TRABAHO ‘TO THE MAX’ SI MAYOR ALONG!

TRABAHO ‘TO THE MAX’ SI MAYOR ALONG!

July 14, 2022 @ 8:05 PM 1 month ago


ILANG araw pa lamang sa puwesto bilang bagong halal na ‘Ama ng Lungsod ng Caloocan’ si Mayor Dale ‘Along’ Malapitan pero ramdam na ng mga Caloocanian ang isang pama-yanang kumikilos, umaaksiyon at may malasakit.

Kumbaga sa pelikula, punong-puno ng aksiyon ang mahigit isang linggo pa lamang ni Mayor Along sa posisyon dahil sa iba’t ibang ikinasang trabaho na kanya mismong pina-ngunahan katuwang ang barangay at city hall personnel.

Matapos isalin sa kanya ang panunungkulan ng amang si three term mayor, ngayon 1st district Representative Oscar ‘Oca’ Malapitan noong Hulyo 1, kaagad nagtrabaho at walang sinayang na oras ang batang Malapitan.

Ang unemployment ay isang problema na nais masolusyonan ng kanyang administrasyon kaya ipinag-utos ng alkalde ang week-long job hiring na pinangunahan ng Public Employment Service Office.

Isa pang problema na nais matuldukan ay ang nakakahawa at nakakamatay na sakit sa baga kaya’t kasabay nang paglulunsad ng anti-tuberculosis campaign ay iniaatas niya ang libreng chest x-ray sa mga estudyante sa lungsod.

Panahon ngayon ng pagragasa ng sakit na dengue kaya’t minarapat ng butihing alkalde bigyang prayoridad ang nagbabadyang problema na ito kaya’t ‘di nag-atubiling mismong pangunahan ang anti-dengue campaign.

‘Di alintana ang sakit na maaring makuha sa nakakatakot na dengue-carrier mosquitos, kasama si Mayor Along sa pag-ikot sa iba’t ibang barangay sa lungsod para pangunahan ang paglilinis sa mga pinagkukutaan ng dengue.

Ika nga niya “Prevention is better than cure”. Sarili niyang inisyatibo ang pagsama sa paglilinis para magsilbing ehemplo at inspirasyon para sa city at barangay personnel na kanyang inatassang magsagawa ng clean up drive.

Nasaula ng ilang residente ang mga kanal at daluyang-tubig sa kanilang pagtatapon ng basura na bumara sa mga kanal kaya naman nakiusap ang batang mayor na ipunin ang mga basura at itapon lang kapag dumaan ang trak na umiikot para mangolekta o mag-load ng kanilang mga basura.

Mahaba pa ang tatahakin ni Mayor Along sa pagganap ng kanyang responsibilidad pero sa panimulang ilang araw na ipinakitang ‘work to the max’ attitude ay nadama na ang ‘aksiyon at malasakit’ niya sa mga kababayan.