Tradisyunal na pahalik, gagawing”patanaw” lang

Tradisyunal na pahalik, gagawing”patanaw” lang

October 29, 2020 @ 10:43 AM 1 month ago

  •  
  •  
  •  

Manila, Philippines – Hindi na rin mangyayari ang tradisyunal na pahalik sa imahe ng Itim  na Nazareno sa Kapistahan ng Quiapo  sa Enero.
Ayon kay  Monsignor Hernando Coronel, imbes ang tradisyunal na pahalik, “patanaw” ang gagawin kung saan ilalabas ang imahen sa balkonahe ng Quiapo Church.
Ang desisyong ito  ng pamunuan ng Quiapo ay bilang pag-iingat na rin sa pandemya habang patuloy pa rin ang pagtaas ng kaso ng Covid-19 sa bansa.
Ang “patanaw” sa imahe ay sisimulan sa Disyembre .
Sinabi ni Coronel na iba ang pahalik dahil ito ay napupunasan at nahahawakan kumpara sa patanaw na makikita mo lamang sa di kalayuan ang imahe ng Nazareno.
Ayon kay Coronel, magkakaroon din ng online misa ang simbahan na pangangasiwaan ni Bishop Broderick Pabillo.
Nakiusap ang Obispo sa mga mananampalataya na unawain ang sitwasyon dahil sa kinakaharap na pandemya.
Ito ang kauna-unahang pagkakataong kinansela ang Traslacion sa loob ng 234 taon.
Sa anunsiyo ng Manila Public Information Office, nagkasundo ang lokal na pamahalaan at ang simbahan na kanselahin ang Traslacion na gaganapin sana sa Enero 9 dahil sa patuloy na banta ng COVID-19.
Tulad ng kinagawian at tradisyon, ang Kapistahan ng Quiapo ay dinadagsa ng mga mananampalataya dahil na rin sa Prusisyon ng mga replica, Pahalik at  Traslacion  na bahagi sa pagdiriwang ng Patron ng Quiapo.(Jocelyn Tabangcura-Domenden)

  •  
  •  
  •  

Loading...