Traditional jeep makakabiyahe pa rin ‘pag tumugon sa modernization requirement – LTFRB

Traditional jeep makakabiyahe pa rin ‘pag tumugon sa modernization requirement – LTFRB

February 24, 2023 @ 4:15 PM 1 month ago


MANILA, Philippines – Nilinaw ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) nitong Biyernes, Pebrero 24 na papayagan pa rin nilang bumiyahe ang mga traditional jeepney na makakapag-comply sa modernization requirement upang makapag-consolidate hanggang Hunyo 30.

“Ang sinasabi lang ho ng circular, you first form a juridical entity or a consolidated entity then you will continue to operate even if your unit is still traditional or the old unit,” ani LTFRB Technical Division head Joel Bolano sa panayam ng CNN Philippines.

Ang tinutukoy ni Bolano ay ang Memorandum Circular No. 2023-013 na nagpalawig sa dating deadline ng Marso para sa mga traditional jeepney franchise holders na bumuo o sumali sa mga kooperatiba.

“What is important is the individual operator will be consolidated into a juridical or consolidated entity at least before June 30,” dagdag ni Bolano.

Ang mga naging bahagi na ng consolidated entity ay magkakaroon ng provisional authority na hanggang Disyembre 31, ayon pa sa LTFRB.

Para naman kay Piston national president Mody Floranda, napakaaga ng deadline na ibinigay para sa traditional jeepney franchise holders na makatugon sa requirements at ang presyo ng modern jeepney ay masyadong mahal at mahirap para sa mga operator.

Sa kabila nito, bukas naman ang LTFRB sa panibagong usapan, ngunit sa ngayon ay susundin muna ang umiiral na memorandum circular.

Magbibigay naman ng subsidiya ang pamahalaan sa mga nais bumili ng modern jeepney.

Bago ang deadline sa Hunyo 30, sinabi ni Bolano na maglalabas ng bagong panuntunan ang LTFRB sa mga susunod na hakbang sa modernization program at aalamin din kung ano ang mangyayari pagkatapos ng Disyembre 31.

Sa kasalukuyan, nasa 61% ng 158,000 target units sa buong bansa ang napagsama-sama na. RNT/JGC