TRADITIONAL JEEP SA M.M. HANGGANG ABRIL NA LANG?

TRADITIONAL JEEP SA M.M. HANGGANG ABRIL NA LANG?

February 14, 2023 @ 12:14 PM 1 month ago


NANGAKO si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na sabay-sabay babangon ang mga Pilipino mula sa pagkakalugmok dahil sa pagbagsak na idinulot ng pandemya kung kaya’t maraming mahihirap ang umaasa sa kanyang pangako kasama na nga ang mga tsuper ng mga tradisyunal na pampasaherong jeep.

Subalit ano itong ginagawa ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board na panggigipit sa mga operator at driver ng mga pumapasadang tradisyunal na jeep sa Kamaynilaan?
Batid ba ni Pangulong Bongbong Marcos na ang 25,000 pumapasadang jeep sa kamaynilaan ay binigyan na lang ng LTFRB nang hanggang Abril na lang ang bisa ng kanilang mga prangkisa?

Sinasabing ang hindi na pag-renew ng prankisa ng mga lumang pampasaherong jeep ay upang magbigay daan sa public utility vehicle modernization program ng pamahalaan. Aba, nakakadismaya naman dahil uunahin pa ang modernisasyon gayong walang magiging kapalit na trabaho ang mga tsuper ng pampasaherong jeep na kanilang pagbabawalan nang pumasada.

Naisip sana ng LTFRB na hindi lang naman sa kanila magkakaroon ng poot sa dibdib ang mga mawawalan ng hanapbuhay subalit maging kay PBBM dahil sa pag-aakalang hindi nito pagtupad sa kanyang pangako.

Huwag muna sana itaon nitong ahensiya na dumaranas nang dusa at sadyang sadlak sa kahirapan ang mamamayang Pilipino kaya sana bigyan pa ng sapat na panahon upang makahanap ng ikabubuhay ang mga tusper.

Marami ang hindi pa makabangon mula sa mapinsala ng pandemya kaya’t hindi pa napapanahon ang modernisasyon na nais ipangalandakan nitong LTFRB.

Huwag ninyong sirain si Pangulong Marcos sa binitiwan niyang salita sa mamamayan na hindi muna niya wawalisin ang hanay ng mga namamasadang tsuper na ang gamit pa rin ay ang lumang jeep.

Mariin ang salitang binitiwan ng Pangulo na wala munang phaseout at kung maayos at tumatakbo nang maayos sa kalsada ang mga tradisyunal na jeep ay hahayaan muna na mamasada. Huwag sanang gawin ng LTFRB na walang isang salita si PBBM.

Kilala ng marami na ang ating Pangulo ay makamahirap at hangad ang pagbangon ng lahat. Kapag ginawa ng LTFRB ang pag-phase out ng mga pampasaherong sasakyan, ang sasakyan ng mga mahihirap at manggagawa, ay tiyak na tatama ang sisi kay PBBM at kanyang pamunuan.

Batid ng marami na hindi pulitiko ang Pangulo. Hindi siya ang tipo na napapako ang pangako. Basta para sa kanya, ang pangarap ng mga Pinoy na umasenso ay pangarap nya rin.