Traffic enforcer kinuyog ng magpipinsan

Traffic enforcer kinuyog ng magpipinsan

January 20, 2023 @ 9:01 AM 2 weeks ago


DAGUPAN CITY- NAGPAPAGALING ngayon sa ospital ang isang traffic enforcer matapos pagtulungan bugbugin ng magpipinsan habang nagtatrapik sa gitna ng kalsada, iniulat kahapon sa lungsod na ito.

Kasalukuyan naman nakakulong sa Dagupan City Police Station ang mga suspek at kinilala ang isa sa mga ito na si Arnold de Vera, nasa hustong gulang.

Batay sa report ng pulisya, nagmamando ng trapik sa gitna ng kalsada ng Arellano Street, Dagupan City ang biktima ng bigla na lamang itong sugurin ni de Vera at pinagsusuntok.

Nakaganti naman ng suntok ang biktima kaya bumagsak sa kalsada ang suspek kaya sinugod na ito ng tatlo pinsan ni de Vera at pinagtulungan bugbugin.

Naawat lamang ang pananakit ng mga suspek ng dumating ang mga awtoridad para awatin ang mga ito at dinala sa nasabing himpilan ng pulisya ang apat.

Isinugod naman sa ospital ang traffic enforcer para lapatan ng lunas ang mga tinamong sugat sa katawan at bukol sa ulo matapos pukpukin ng radio ng mga suspek.

Nahaharap ngayon sa kasong assault in person of authority ang mga suspek.

Sa himpilan ng pulisya, nagmakaawa ang suspek sa biktima na humingi ng tawad at ipinakiusap na huwag ng idamay pa ang tatlo niyang kamag-anak at siya na lamang ang kasuhan.

Nabatid, na nasa ilalim ng impluwensya ng alak ang suspek ng mangyari ang insidente at nainip lamang siya na hindi agad nakatawid at pinipigilan siya ng traffic enforcer dahil sa dami ng mga sasakyan na dumadaan./Mary Anne Sapico