Traffic enforcer na nag-viral kinilala ni Yorme

Traffic enforcer na nag-viral kinilala ni Yorme

May 31, 2021 @ 1:51 PM 2 years ago


MANILA, Philippines – Binigyang-pagkilala ni Manila Mayor Isko Moreno Domagoso ang traffic enforcer ng Manila Traffic and Parking Bureau (MTPB) na nag-viral sa social media na nagtitimpi habang sinasaktan ng babaeng traffic violator na kalaunan ay nadiskubreng drug courier.

Matapos ang isinagawang flag raising ceremony, personal na iniabot ni Domagoso ang “Plaque of Appreciation” kay Marcos Anzures Jr., MTPB traffic enforcer, gayundin ang maliit na halaga ng salapi bilang pasasalamat ng lokal na pamahalaang lungsod sa ipinakita nitong dedikasyon sa paglilingkod at lubos na pagtitimpi habang pisikal na inaabuso sa panahon ng kanyang pag-aksyon sa kanyang tungkulin.

 

Ayon sa Alkalde, ipinakita ni Anzures na iba na umano ang imahe ng MTPB traffic enforcer sa lungsod ng Maynila dahil hindi lamang sila nagsasa-ayos ng daloy ng trapiko sa lansangan kundi tumutugon pa sa panahon ng mga nangangailangan.

Samantala, tinanggap naman ni Domagoso ang nasa 100 piraso ng galun-galon na “multipurpose cleaner” mula kina Federation of Filipino-Chinese Chambers of Commerce and Industry Inc. (FFCCCII) Vice President, President and CEO ng Lamoiyan Corporation na si Cecilio Pedro; External Committee Chairman Nelson Guevarra at External Committee Member Jefferson Lao.

Ayon kay Domagoso, ipadadala nito ang mga nasabing panlinis sa mga pampublikong ospital at pampublikong pamilihan sa lungsod ng Maynila.

Pinasalamatan naman ng Alkalde grupo ng FFCCCII dahil sa walang sawang pagsuporta nito sa lokal na pamahalaang lungsod lalo na sa kampanya nila sa malinis, maaliwalas at bagong Maynila.  JAY Reyes