Traffic enforcer napagkamalan carnapper, patay sa pulis

Traffic enforcer napagkamalan carnapper, patay sa pulis

October 13, 2022 @ 11:14 AM 2 months ago


MANILA, Philippines – Patay ang isang traffic enforcer matapos na pagbabarilin ng pulis nang mapagkamalan na karnapper kaninang madaling araw sa lungsod ng Quezon.

Nakilala ang biktima na si Edgar Follero Abad, 31 anyos, residente ng No 35 P Tupaz Street, Novaliches, Q.C., empleyado ng Quezon City Department Public Order Safety (DPOS).

Kinilala naman ni Quezon City Police District (QCPD) Director PBGEN Nicolas Torre III ang nadakip na suspek na si PLT Felixberto Tiquil Rapana, miyembro ng Anti-Caranpping Unit ng Manila Police District (MPD).

Base sa ulat, dakong 3:20 ng madaling araw nang maganap ang insidente sa harap ng Munoz Market, Barangay Veterans Village, Q.C.

Ayon kay Paul Timothy Delos Reyes Gamboa, kaibigan ng biktima galing umano sila sa Pandacan, Manila at pauwi na sana sa kanilang tahanan nang masira ang kanilang sinasakyan na motorsiklo sa kahabaan mg Roosevelt Avenue Q.C.

Dahil dito, tinulak nila ang motorsiklo hanggang sa makarating sa EDSA – Munoz at habang inaayos ang motorsiklo ay bigla na lamang daw sila nilapitan ng suspek at walang sabi-sabi na bigla na lamang pinagbabaril si Abad.

Napaandar pa umano ng biktima ang motorsiklo hanggang sa mga pulis na nagsasagawa ng checkpoint at doon na siya bumagsak.

Sinubukan pang dalhin sa Quezon City General Hospital (QCGH) si Abad subalit idineklara itong dead on arrival bandang 3:54 ng madaling araw.

Nagawa naman agad na madakip ng QCPD ang suspek na matapos ang pamamaril ay lumapit pa ito sa mga kapulisan at nagpakilala na kanilang kabaro.

Nakumpiska mula kay Rapana ang isang glock 17, magazine na may laman na bala.

Nakapiit na ang suspek habang inihahanda ang kaukulang kaso na kakaharapin nito. Jan Sinocruz