Traffic sa EDSA asahan na sa paniningil ng Skyway Stage 3

Traffic sa EDSA asahan na sa paniningil ng Skyway Stage 3

July 10, 2021 @ 11:03 AM 1 year ago


Msnila, Philippines – BILANG paghahanda sa gagawing paniningil ng toll sa NLEX-SLEX Road connector Project sa darating na Lunes, muling binisita ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) ang Mabuhay Lanes dahil inaasahan nito ang pagdagsa ng mga motorista sa EDSA.

Mismong si MMDA Chairman Benhur Abalos ang nagsagawa ng inspeksyon sa ilang bahagi ng Mabuhay Lane Route 1 sa Mother Ignacia, Sct. Esguerra, at Sct. Ybardolaza sa Lungsod ng Quezon. Personal niyang pinangasiwaan ang pag-install ng mga directional road signages na magsisilbing gabay sa mga motorista.

“Motorists who are coming from the northern part of Metro Manila and will travel southbound, and those who might want to avoid EDSA can take Mabuhay Lanes as alternate routes,” ani Abalos.

“We want to give them options on their travel without being stuck in traffic,” dagdag pa nito.

Nabatid sa MMDA na papahintulutan lamang nila na magsagawa ng pagkukumpuni sa kalsada at road reblockings tuwing gabi mula 11pm hanggang 5am upang maiwasan ang trapiko lalo na kapag “rush hour”.

Sa kabila ng inaasahang pagdagsa ng mga motorista sa EDSA, iginiit ni Abalos na hindi pa aniya kailangang ipatupad muli ang number coding scheme dahil mapamahalaan pa rin ang trapiko.

Ayon pa kay Abalos, humingi na siya ng tulong at kooperasyon sa pitong yunit ng pamahalaang lokal na sakop ng mga ruta ng Mabuhay Lane upang linisin ang mga ruta sa anumang uri ng sagabal. Binigyang diin din niya na hindi papayagan ang iligal na paradahan sa alinman sa mga ruta sa Mabuhay Lane. JAY Reyes