Trahedya sa dagat: 7 bangkay narekober, 7 pa missing sa lumubog na bangka sa Sabah

Trahedya sa dagat: 7 bangkay narekober, 7 pa missing sa lumubog na bangka sa Sabah

August 7, 2018 @ 5:11 PM 4 years ago


 

Tawi-Tawi – Narekober sa isinagawang search and retrieval operation ng Philippine Coast Guard (PCG) ang pitong bangkay na palutang-lutang sa karagatang sakop ng Sitangkai Island sa Tawi-Tawi.

Bukod sa pitong bangkay na narekober ay nasa pitong iba pa ang kasalukuyang hinahanap sa naturang operasyon na pawang mga sakay ng passenger motorized banca na lumubog sa pagitan ng karagatan ng Mataking Island at Siamel Island sa Sabah nitong Hulyo 30.

Ayon kay PCG Lt. Euphraim Diciano, commander ng Coast Guard Station Central-Tawi Tawi, ang mga biktima ay kabilang sa labing limang katao na pasahero na ini-ulat na nawawala matapos lumubog ang sinasakyan nilang banca.

Inilibing na umano kaagad ang mga bangkay dahil nabubulok na ang mga ito na binubuo ng anim na kababaihan at isang lalaki.

Isa sa 15 sakay ng lumubog na bangka na nakilalang si Ibrahim Hassan Mandul ang masuwerteng nakaligtas matapos masagip ng ilang mangingisda habang pilit na lumalangoy sa karagatan.

Isa sa mga bangkay ang nakilala mismo ng survivor na si Mahmuda Albain Buhari na 10-anyos lamang.

Kabilang pa sa mga naitalang biktima ay limang mga bata na may edad mula pito hanggang anim na taong gulang.

Ang mga biktima na karamihan ay magkakamag-anak ay parehong mga residente ng munisipalidad ng Sapa-Sapa sa Tawi-Tawi.

Nabatid na bumiyahe ang mga biktima mula sa Tawi-Tawi patungong Malaysia nitong Hulyo 29 subalit sa gitna ng karagatan ay lumubog ang kanilang sinasakyang pandagat dahil umano sa sama ng panahon. (Jeff Gallos)