Trailer ng Nelia, nag-trending, nasa 2.5M views na!

Trailer ng Nelia, nag-trending, nasa 2.5M views na!

December 10, 2021 @ 3:05 PM 1 month ago


Manila, Philippines – Nag-trending at umabot na sa halos 2.5 million views ang official trailer ng pelikulang Nelia, na pinagbibidahan ni Winywn Marquez. Inilabas noong December 1 ang naturang trailer sa official Facebook page ng Nelia, at sa loob lang ng 36 oras ay nakakuha na agad ito ng mahigit 1,000,000 views.

Pinaguusapan ng mga netizens ngayon ang Nelia dahil sa kakaibang tema nito.

Sa trailer ng pelikula, makikitang nababalot ng misteryo ang Room 009 sa ospital kung saan nagtatrabaho si Nurse Nelia (Winwyn), at lahat ng pasyenteng naa-admit dito ay namamatay.

“May multo ba o may taong pumapatay sa loob ng ospital?” ang karaniwang tanong ng mga netizens sa comments.

Tinatalakay din ng pelikula ang isyu ng mental health, na isa sa mainit na usapin ngayon sa social media dahil sa paglaganap ng anxiety at depression na naranasan ng maraming tao ngayong pandemya.

“In a way, educational din itong aming pelikula dahil isa sa mga underlying themes nito ‘yung mental health disorders. Sana sa mapapanood ng mga tao sa aming pelikula ay mas lumawak din ang pangunawa natin sa mga taong may pinagdaraanang mental health problems,” wika ng direktor ng pelikula na si Lester Dimaranan.

Bukod dito, marami ring kaabang-abang na eksena sa pelikula, tulad ng daring scenes nina Ali Forbes at Shido Roxas, na pinag-uusapan rin ngayon sa social media.

Ang Nelia ay official entry sa darating na 2021 Metro Manila Film Festival (MMFF) at mapapanood nationwide sa Luzon, Visayas, at Mindanao. JP Ignacio