Trailer ng Turning Red, inilabas na ng Pixar

Trailer ng Turning Red, inilabas na ng Pixar

July 16, 2021 @ 1:48 PM 3 months ago

  •  
  •  
  •  

US – Bilang isang teenager, mapusok pa ang damdamin, paano mo makakya kung ang iyong ina ay patuloy ka pa ring sinusundan at hindi ka maiwan-iwan?

Ito na nga siguro ang matatawag na dilemma ng isang tipikal na bata habang lumalaki siya, aminin, relate ka ‘di ba?

Kamakailan nga lamang ay ipinalabas na ng Pixar Animation Studio ang opisyal na trailer ng pelikulang Turning Red nitong Martes, Hulyo 13 sa kanilang Youtube channel.

Ipinakilala sa trailer ang karakter na si Mei Lee, 13 taong gulang, na kasalukuyang nag-aaral sa kanyang paaralan nang mapansin ng mga kaibigan nito na naroon ang nanay niya sa labas at pinapanood siya, dahil sa hiya ay nagkaroon ng panic attack si Mei at naging isang malaking pulang panda.

Ipakikita sa pelikula ang buhay ni Mei bilang isang tipikal na teenager na mayroong mapanghimasok na nanay at ang kakaiba niyang kakayahang maging isang malaking pulang panda sa tuwing makararamdam siya ng bugso ng damdamin.

Itatampok din sa pelikulang ito ang mga boses nina Sandra Oh ng Killing Eve at Grey’s Anatomy bilang Ming na nanay ni Mei at Rosalie Chiang naman sa karakter ni Mei.

Ang pelikulang Turning Red ay nasa ilalim ng direksyon ng Chinese-Canadian director na si Domee Shi, kilala sa kanyang Oscar-winning na animasyong Bao.

Nakilala ang Pixar sa mga sikat nitong animasyon tulad ng Toy Story at Inside Out.

Kamakailan nga lamang ay tumanggap ng dalawang nominasyon sa Oscar ang kompanya at naipanalo ng pelikulang Soul ang best animated film 2021.

Inaasahang unang mapapanood ang pelikulang ito sa mga sinehan sa Marso 11 taong 2022. RNT/Riza Guarin-trainee


  •  
  •  
  •