TRAIN 2 bibilisan sa Kamara-SGMA

TRAIN 2 bibilisan sa Kamara-SGMA

July 31, 2018 @ 5:09 PM 5 years ago


 

Manila, Philippines – Tiniyak ni House Speaker Gloria Macapagal Arroyo na tututukan ng Kamara ang pagpasa sa ikalawang bahagi ng Tax Reform for Acceleration and Inclusion (TRAIN) Law na isa sa priority bills ni Pangulong Rodrigo Duterte.

Walang tinakdang deadline si Arroyo para sa TRAIN 2 Law subalit siniguro nitong kasama ito sa kanilang prayoridad na maipasa sa Kamara.

Sinabi ni Deputy Speaker Raneo Abu na taliwas sa iniisip ng iba na panibagong pahirap ang TRAIN 2  ay hindi ito makabibigat sa publiko dahil hindi ito tax measure na magpapatupad ng bagong buwis bagkus ay aalisin lamang nito ang redundant incentives ng mga kumpanya at bababaan ang corporate income tax.

Kahapon ay nakipagpulong si Arroyo sa mga economic managers ni Pangulong Duterte matapos ang ibinigay nilang briefing sa Kamara para sa 2019 budget.

Kabilang sa pulong sina Finance Secretary Carlos Dominguez, Budget Secretary Benjamin Diokno, Socioeconomic Planning Secretary Ernesto Pernia at Bangko Sentral Governor Nestor Espenilla gayundin sina Majority Leader Rolando Andaya, Albay Rep. Joey Salceda at Bohol Rep. Arthur Yap.

Ayon kay Arroyo, “professor to professor” lamang ang naganap na pagpupulong kung saan napag-usapan hindi lamang ang lagay ng ekonomiya  kundi maging kung paano maresolba ang issue sa inflation rate ng bansa. (Gail Mendoza)