TRAIN 2 ‘formula for economic disaster’ – Villanueva

TRAIN 2 ‘formula for economic disaster’ – Villanueva

August 1, 2018 @ 5:07 PM 4 years ago


 

Manila, Philippines – Tiniyak kahapon ni Senador Joel Villanueva na mahigpit nitong tututulan ang ikalawang yugto ng Tax Reform for Acceleration and Inclusion (TRAIN 2) sakaling ilatag na sa Senado ang panukala.

Sa panayam, inihayag ni Villanueva na magmimistulang “formula for economic disaster ang naturang panukala dahil hindi natutugunan ng pamahalaan ang pagtaas ng inflation rate sa nakarang buwan.

Nakatakdang ihain ni Senate President Vicente Sotto III ang panuklang TRAIN 2 na sinasabing magbabalanse sa dinadanas na pagtaas sa halaga ng pangunahing bilihin at serbisyo.

“Dapat munang pagtuunan nang pansin ng gobyerno ang paglutas sa nararanasang epekto ng pagtaas ng inflation rate o pagtaas ng presyo ng pangunahing bilihin sanhi ng implementasyon ng TRAIN1,” ayon kay Villanueva.

Magagawa ito, ayon kay Villanueva, kung uunahin ng Kongreso ang pagrebisa sa Expanded Value Added Tax mula sa kasalukuyang 12% tungo sa 10% at liberalisasyon sa pag-aangkat ng bigas bago talakayin ang TRAIN 2.

“Pero kung hindi talagang maiiwasan na talakayin ang TRAIN 2, dapat matiyak na may mga unnecessary exemption sa panukala upang maibsan ang paghihirap ng taumbayan,” giit niya.

Sinabi ni Villanueva na dapat unahin ang pagbibigay ng karagdagang insentibo sa mga namumuhunan upang mahikayat silang magnegosyo sa bansa sa halip na isulong ang TRAIN 2 na mag-aalis sa mga incentives na nakukuha ng mga korporasyon.

“Mawawalan ng trabaho ang milyong manggagawa kapag umalis ang mga investors at lumipat sa ibang bansa kapag inalis natin ang incentives na nakukuha nila sa pagnenegosyo dito sa atin,” giit ni Villanueva. Ernie Reyes

Samantala, inamin naman ni Senate Majority Leader Juan Miguel “Migz” Zubiri  na mahigpit na tututulan nina Senador Richard Gordon at Villanueva sakaling tanggalan ng insentibo ang mga kompanya sa loob ng Subic Free Port at Clark Development Authority (CDA).

“Maraming manggagawa mula sa Olongapo, Pampanga at Bulacan ang nagtratrabaho sa Subic at Clark na maapektuhan o mawawalan ng trabaho kapag naipatupad na ang Train 2 na tiyak na aalmahan nila Gordon at Villanueva,” ayon kay Zubiri.

Sinabi ni Zubiri na nakasaad sa TRAIN na ibababa ang corporate income tax mula 30% sa 25% subalit aalisin naman ang incentives na ibinibigay sa multinational corporation na magiging dahilan upang magsilayasan ang mga kompanyang ito sa ating bansa.

Dagdag pa ni Zubiri na ito ang oportunidad na inaantay ng mga kalapit na bansa na umalis ang mga investors sa Pilipinas tulad ng Thailand at Vietnam.

“Sa halip na pag-initan ang mga investors dapat ay mas bigyan pa sila ng mga tax incentives na maghihikayat na mamuhunan sa bansa sa halip na itaboy sa pamamagitan ng TRAIN 2,” aniya. Ernie Reyes