TRAIN 2 VS MGA GANID

TRAIN 2 VS MGA GANID

July 27, 2018 @ 8:02 PM 5 years ago


Ano-ano ba ang mga nilalaman ng Tax Reform for Acceleration ang Inclusion 2 law?

Tinatalakay natin ito sa harap ng bantulot na pagharap dito ng Senado sa kabila ng kahilingan ni Pangulong Rodrigo Duterte na bilisan ang pag-apruba rito.

PORK BARREL SA INSENTIBO

Sa maigsing pananaw, sinasabi ng Department of Finance na aalisin ang mga mala-pork barrel na bahagi ng nga insentibo ng mga kompanya sa pagtatayo ng kanilang mga negosyo sa mahal kong Pinas.

May mga doble-doble umanong insentibo ang mga kompanya, maging sa mga dayuhang namumuhunan sa ating bansa at ito ang aalisin upang magkaroon ng pondo ang gobyerno.

Gawa lang umano ng mga politiko ang mga doble-dobleng pabor sa mga kapitalista.

Kapalit naman nito ang pagbaba ng buwis sa korporasyon mula sa 30 porsyento sa 25 porsyento.

LALAYAS?

Sinasabi ng mga senador na maaaring lalayas umano ang mga mamumuhunan kung ipatutupad ng pamahalaan ang TRAIN 2.

Nasa 200 uri umano ng insentibo ang ibinibigay ng pamahalaan sa mga mamumuhunan at ito ang nakaeengganyo sa mga mamumuhunan, maging sa mga dayuhan na magtayo ng kanilang negosyo sa bansa.

Isa pa, kung nagkakandahirap-hirap umano ang bansa sa TRAIN 1 na una nang pinaiiiral simula nitong Enero dahil sa kaigsian ng utak ng mga gumawa nito, lalo umanong maghirap ang bansa sa paglayas ng mga dayuhang mamumuhunan dahil naman sa TRAIN 2.

Ang TRAIN 1 ang nagpataas umano ng nasa P2 kada litro ng mga produktong petrolyo at ilang produkto gaya ng mga may asukal na inumin.

Pinataas umano ng mga ito ang presyo ng lahat ng bilihin, lalo na ang nagmahal na petrolyo ngunit hindi umano nararamdaman ang kapalit na tulong ng gobyerno para sa mga higit na natatamaan dito.

Hinahanap nila ang mga tulong para sa mga benepisyaryo ng 4Ps at tsuper-operator na tinamaan ng oil price hike.

MALI SILA?

Sinasabi naman ng Malakanyang na ang talagang nagpapataas ng presyo ng mga produktong petrolyo ay ang mga negosyanteng may hawak sa langis at mga bansang may-ari ng mga oilfield at pagbebenta ng mga ito.

Matatandaang nilalaro ng Organization of Petroleum Exporting countries at mga bansang hindi kasapi rito ngunit mas malalaki pa sa OPEC ang produksyon at lawak ng pagbebenta.

Ang OPEC lalo na ay nabubuhay sa langis kaya anomang pagbagsak o pagtaas ng presyo nila ay siya ring kanilang pagbagsak at pagtaas bilang bansa.

Ang Pilipinas ay halos 100 porsyentong nakasandal sa importasyon ng mga produktong petrolyo, maliban lang sa natural gas ngunit may 10 taon na lang ang nalalabi na buhay ng minahan dito, ang Malampaya natural gas.

Kaya naman, mali umano ang mga kritiko.

Isa pa, masasagasaan lamang ang mga dambuhalang kita ng mga magkakasosyong Pinoy at dayuhan mula sa mga pork barrel sa mga insentibo.

At maaaring ito ang nang-iimpluwensiya sa ilang mambabatas na kumokontra sa TRAIN 2.

Sa ibang salita, ayaw magbigay ng pagkakataon ang mga ganid na negosyante sa pamahalaan na nagsusulong ng pakinabang sa higit na nakararami at gusto nilang panatilihin ang sistemang iilan lang ang dapat makinabang sa yaman at negosyo sa bansa.

Isang mahalagang tanong dito: Sino-sino sa mga mambabatas ang nagiging ninong ng mga may pork barrel sa mga insentibo o kayaā€™y kasosyo sa mga negosyo o kompanyang nabubuhay nang labis sa nasabing pork barrel?

PAKINABANG NG MAMAMAYAN

Panahon nang pag-isipan ng lahat ng mga opisyal ng bansa, kasama ang mga mambabatas, kung paano padaluyin patungo sa kapakinabangan ng higit na nakararami at hindi sa iilan ang mga yaman ng bansa.Ā – ULTIMATUM NI BENNY ANTIPORDA