TRAIN effect probe sa masa ni Poe, kasado na sa CDO

TRAIN effect probe sa masa ni Poe, kasado na sa CDO

July 15, 2018 @ 3:17 PM 4 years ago


 

Manila, Philippines – Nakatakdang magsagawa ng pagdinig ang Senado sa pangunguna ni Sen. Grace Poe, chair ng public services committee, ukol sa epekto ng Tax Reform for Acceleration and Inclusion (TRAIN) law sa public services at utilities, partikular sa petrolyo, kuryente, at tubig.

Gaganapin ang pagdinig sa Miyerkules, Hulyo 18, alas-10 ng umaga sa University of Science and Technology Southern Philippines Engineering Complex, Performing Arts Theater, 6th floor, C. M. Recto Avenue, Lapasan, Cagayan de Oro City, Misamis Oriental.

Tatalakayin din ni Poe ang proseso ng pamamahagi ng fuel vouchers para sa mga lehitimong operator ng mga pampublikong jeep.

“Kailangang marinig naman natin ang daing nila at kung totoo ba ang pangako ng DOTr na magbibigay na sila ng subsidiya o kung ‘di pa nila natatanggap, lalung-lalo na sa mga drivers natin diyan sa Mindanao. Ang importante ay ang pagtulong sa ating mga kababayan ngayon,” ani Poe.

Sa naunang mga liham ni Poe sa ilang mga miyembro ng Gabinete, sinabi ng senador na kailangan nang maipatupad ang mga social mitigating measures na itinakda sa TRAIN law upang ibsan ang bigat ng nasabing batas lalung-lalo na sa mahihirap na Pilipino.  Ernie Reyes