Manila, Philippines – “Paano mo tatawaging perpekto ang isang batas kung ito’y pabigat sa mahihirap?
Ito ang reaksiyon ni Senator Bam Aquino sa pahayag ni Budget Secretary Benjamin Diokno na isang perpektong batas ang Tax Reform for Acceleration and Inclusion (TRAIN) Law.
“Paano magiging perpekto ang batas na sumasagasa sa mahihirap na Pilipino?” tanong ni Sen. Bam, isa sa apat na senador na kumontra sa ratipikasyon ng TRAIN Law.
“Konting malasakit naman po para sa mahihirap,” giit ni Sen. Bam, sa pagsasabing hindi dapat balewalain ng pamahalaan ang pabigat na dinaranas ng mga Pilipino, lalo na ang mahihirap, dahil sa mataas na presyo ng bilihin.
“Huwag naman ninyong maliitin ang paghihirap ng mga kababayan nating nalulunod sa taas presyo,” wika ni Sen. Bam.
“Tinitiyak ko po sa inyo totoong mabigat ang pinapasan ng taumbayan dahil sa taas presyo na dulot ng TRAIN,” dugtong pa ng senador.
Inulit ni Sen. Bam ang panawagan sa Pangulo na makinig sa daing ng mga Pilipino, na nabibigatan na sa mahal na presyo ng bilihin dahil sa TRAIN Law.
“Sana lang marinig ng Pangulo ang hinaing ng mga pamilyang pilipinong nalulunod na sa taas presyo,” wika ni Sen. Bam, na umaasang tatalakayin ng Pangulo ang isyu sa kanyang State of the Nation Address (SONA).
Bago rito, pinayuhan ni Sen. Bam ang pamahalaan na makipagtulungan sa mga mambabatas para hanapan ng solusyon ang problema nang maalis ang bigat na pinapasan ng mga Pilipino.
Sa pagnanais na mapagaan ang pasanin ng mga Pilipino. naghain si Sen. Bam ng panukala na layong isuspinde at i-rollback ang excise tax sa langis sa ilalim ng TRAIN Law kapag ang average inflation rate ay lumampas sa taunang inflation target sa loob ng tatlong buwan.
Isinusulong din ni Sen. Bam ang buong pagpapatupad ng mga programang makatutulong sa mahihirap, tulad ng unconditional cash transfer program para sa mahihirap na pamilyang Pilipino at Pantawid Pasada program para sa jeepney operators at drivers. (Ernie Reyes)