Train ops, palalawigin sa transport strike – DOTr

Train ops, palalawigin sa transport strike – DOTr

March 6, 2023 @ 10:00 AM 3 weeks ago


MANILA, Philippines- Handa ang railway lines na magpalawig ng kanilang biyahe ngayong Lunes sa pagsisimula ng isang linggong transport strike ng ilang mga grupo ng mga tsuper at operators ng mga jeepney na makaaapekto sa maraming mananakay.

Sinabi ni Undersecretary for Railways Cesar B. Chavez na ang mga tren na handang magpalawig ng kanilang biyahe ay ang Philippine National Railways (PNR), Metro Rail Transit-3 (MRT-3), at Light Rail Transit Lines 1 at 2 (LRT-1 and 2).

“The PNR has now 14 trainsets from seven in August 2022. With the transport strike it will extend its operation by adding 14 trips today, March 6, making the total trips to 60 from 46,” sabi ni Chavez batay sa ulat ng PNR management.

Magdaragdag din aniya ito ng isang biyahe mula sa Tutuban Station at palawigin ang biyahe nito.

Sinabi ni Chavez na ang MRT-3, bagama’t nasa normal na operasyon, ay handang palawigin ang operasyon nito para sa huling biyahe mula North Avenue Station hanggang alas-10 ng gabi mula alas-9:30 ng gabi at mula sa Taft Avenue Station hanggang alas-10:41 ng gabi mula alas-10:11 ng gabi kung kinakailangan.

Tiniyak din ni Light Rail Manila Corporation (LRMC) Spokesperson Jacqueline Gorospe sa DOTr, na ang LRMC ay handang tiyakin ang pagkakaroon ng serbisyo at tauhan para sa LRT-1. Ang LRMC ay ang contract operator ng LRT-1.

Ang regular trip ng LRT-2 mula Antipolo Station ay hanggang alas-9:30 ng gabi. Kung mapapalawig, ang huling biyahe ay hanggang alas-10 ng gabi. Jocelyn Tabangcura-Domenden