Training sa industriya ng kape sa bansa patataasin

Training sa industriya ng kape sa bansa patataasin

October 16, 2022 @ 9:57 AM 2 months ago


MANILA, Philippines – Nangako ang TESDA o Technical Education and Skills Development Authority na pataasin ang kasanayan sa mas maraming coffee farmers sa bansa at ang industriya ng kape sa pangkalahatan.

Sa ginanap na Coffee Expo Manila ngayong Oktubre, sinabi ni Deputy Director General Aniceto D. Bertiz III, na kinakatawan ni TESDA Women’s Center (TWC) Chief Angelica Gonzales, na ang TESDA ay may mga programa na naglalayong palakasin ang industriya ng kape sa Pilipinas.

“TESDA is actively converging with other government agencies and the private companies in advocating and championing the various sub-sectors of the agriculture-fishery sector,” sabi ni Bertiz.

“TESDA will continue to collaborate with the various stakeholders and industries for the continuous development and improvement of our programs and services for the Filipino workers’ better tomorrow,” dagdag pa niya.

Layon ng Coffee Expo Manila 2022 na makakuha ng access sa mga negosyante at mamimili sa Philippine Coffee Industry at sa ASEAN Region kasabay ng pagbibigay ng plataporma na maghahatid ng mga solusyon at magpapakita kung ano ang bago sa industriya.

Magbibigay din ito ng mga pag-aaral upang mas isulong pa ang kanilang kape, cacao, tsaa, at panaderyang negosyo.

Bilang tugon sa mga hamon na hinahanap ng mga coffee farmers, ibinahagi ni Bertiz na ang TESDA kasama ang mga stakeholders ay nagsagawa ng iba’t-ibang training regulations, tulad ng Coffee Production Level II at Coffee Nursery Operation Level II.

Ayon kay Bertiz, ang mga kursong Ito ay inaalok sa walong training institutions na matatagpuan sa Benguet, Mt. Province, Cagayan, Bukidnon, at Sultan Kudarat.

Gayundin, sinabi pa niya na ang TESDA ay gumawa ng Memorandum of Agreement (MOA) sa Nestle Philippines upang matulungan ang mga magsasaka ng kape, partikular sa Sultan Kudarat at Bukidnon na mapataas ang kanilang ani at magkaroon ng mas sustainable na kabuhayan.

Sa nasabing pagtutulungan na nagsimula noong kalagitnaan ng 2021, napataas na ng TESDA at Nestle Philippines sa 703 mga magsasaka ng kape sa Bukidnon at Sultan Kudarat. Jocelyn Tabangcura-Domenden