Training sa mga magsasaka sa Cagayan, ikinasa

Training sa mga magsasaka sa Cagayan, ikinasa

September 23, 2022 @ 6:35 PM 1 week ago


MANILA, Philippines – Upang matulungan mapabuti ang kabuhayan ng mga magsasaka dalawang agrarian reform beneficiary organizations (ARBOs) sa lalawigan ng Cagayan ang dumalo ng pagsasanay tungkol sa product chain management na ipinagkaloob ng Department of Agrarian Reform (DAR) at Department of Trade and Industry (DTI).

Ayon sa DAR ang naturang pagsasanay at ang pakikipagtulungan sa ibang sangay ng pamahalaan ay alinsunod sa direktiba ni DAR Secretary Conrado Estrella III na tulungan ang mga magsasaka na mapagbuti ang kanilang mga aktibidad pangkabuhayan.

Nabatid na ang product chain management ay tumutukoy sa buong lifecycle ng isang produkto o mga proseso. Ito ay ang pamamahala ng daloy ng mga produkto at serbisyo kasama ang lahat ng mga proseso mula sa pinagmulang materyales patungo sa pinal na produkto hanggang ito ay tuluyang maihatid sa mga mamimili.

Kaugnay nito ang mga magsasakang-benepisyaryo ng PATASDA-ARB cooperative sa Allacan at Bical-Baliaug ARB cooperative sa Peñablanca, Cagayan ang mga dumalo ng pagsasanay sa product chain management.

Samantala ayon kay Samuel Solomero, DAR Cagayan Regional Director, layunin ng pagsasanay na mabigyan ang mga kalahok ng kaalaman kung paano sentral na kontrolin at epektibong mai-ugnay ang kanilang produksyon, paghahatid at pamamahagi ng mga produkto sa kanilang mga mamimili.

“Natutunan ng mga magsasaka ang kahalagahan at benepisyo ng pamamahala ng supply chain, na napaka-importante sa panahon ngayon, at ipinakilala din natin sa kanila ang konsepto at bentahe ng product at supply chain management,” aniya.

Sinabi ni Solomero na inaasahan ng ahensiya na mas mapagbubuti ng mga miyembro ng ARBO ang pamamahala nila sa kanilang produksyon na magreresulta sa mas sistematikong organisasyon, mas malaking kita at mas masasayang magsasaka. Santi Celario