TRAINING, SEMINAR PARA SA MGA TANOD NG TONDO

TRAINING, SEMINAR PARA SA MGA TANOD NG TONDO

March 13, 2023 @ 1:18 PM 2 weeks ago


ISA ang mga tauhan ng barangay sa pinaka-epektibong dagdag-puwersa ng pulisya sa pagpapanatili ng katahimikan, kaayusan, at pagdakip sa mga lumalabag sa batas.

Kadalasan, mismong mga barangay tanod ang unang hinihingian ng tulong ng mamamayang naging biktima ng krimen dahil madali silang lapitan at hagilapin sa lugar kung saan naganap ang krimen.

Ang mga tauhan ng barangay mabilis mag-ulat sa pulisya ng mga insidente o paglabag sa batas sa kanilang nasasakupan dahilan upang maging mabilis ang pagdakip sa kriminal.

Gayunman, limitado ang kaalaman ng mga nasa barangay lalo na ang mga tanod dahil hindi naman sila tulad ng mga pulis na nagsunog ng kilay sa pag-aaral upang mabatid ang wasto at ligal kaugnay sa batas.

Mga simpleng kaso, kadalasan ay away mag-asawa o magkapitbahay lang ang mabilis nilang nareresolba at ang mga kasong kailangan ng malalimang solusyon o malalimang imbestigasyon ay hindi na nila pinanghihimasukan dahil trabaho na ito ng pulis.

Nitong Marso 2, may 2,500 barangay tanod sa Unang Distrito ng Maynila ang isinailalim sa wastong pagpapatupad ng batas at pagtugon sa tawag ng pangangailangan tulad ng panganib, kalamidad at iba pang uro ng sakuna at ito ay sa kagandahang-loob ni 1st District Rep. Ernix Dionisio na naglaan ng pondo upang matustusan ang programa ng training at seminar na tatakbo sa loob ng isang buwan.

Ang pagsasanay ay sinimulan noong Marso 2 sa Patricia Sports Complex sa Gagalangin, Tondo kung saan bahagi ng pag-aaral ang paghubog sa kanilang kakayahan at kaalaman sa iba’t-ibang mga programa ng pamahalaan at mga law enforcement agency.

Tumulong at nagpadala rin ng kinatawan ang National Task Force to End Local Communist Armed Conflict at ang National Intelligence Coordinating Agency upang ibahagi sa mga tauhan ng barangay ang wastong pagtugon, pati na ang pag-angat sa kanilang kaalaman sa patuloy na paghahasik ng rebelyon ng mga komunistang grupo sa Pilipinas.

Malaki rin ang naibahagi ng Barangay Anti-Drug Abuse Council at ng Philippine Drug Enforcement Agency sa kanilang ginawang pagtuturo sa mga tauhan ng barangay kaugnay sa mga tamang pamamaraan nang pagsugpo sa iligal na droga sa kani-kanilang mga lugar.