Trak ng bumbero dumausdos, senior patay

Trak ng bumbero dumausdos, senior patay

October 16, 2022 @ 10:10 AM 2 months ago


MANILA, Philippines – Nasawi ang isang senior citizen samantala dalawa naman ang nasugatan makaraan dumausdos ang isang truck ng bumbero na rumesponde sa sunog sa Makati City.

Ayon sa impormasyon ng Makati City Police, nakatayo ang mga tao at bumbero sa kalsada ng Barangay Guadalupe Viejo nang bigla na lamang nagdire-diretso ang fire truck sa Barangay Poblacion hanggang masagasaan ang mga taong naroon.

“Pababa ‘yung kalsada, binigyan ng kalso pero ang problema, noong bumaba itong driver para kunin ‘yung hose at tumulong sa pagpatay ng sunog, biglang umabante itong firetruck,” pahayag ni Makati City Police chief Police Colonel Edward Cutiyog.

Samantala, kinilala naman ang nasawing senior citizen na si Florencio Balaoing Jr. na pumailalim pa sa truck, na isa pa naman sa tumulong sa pag-apula sa sunog.

Isinugod naman sa ospital ang dalawang sugatan na kinilalang sina Rita Roxas at Relin Azuelo na nagtamo ng bali sa katawan.

Sumuko na sa mga awtoridad ang driver ng fire truck na si John Polinar Orbeta na tumanggi nang magbigay ng pahayag.

Sa ngayon ay pinag-iisipan pa ng pamilya ng nasawi kung magsasampa ito ng reklamo laban sa driver o makikipag-areglo na lamang. RNT/JGC