Transaction messages sa Gcash ililipat sa app inbox, link sa SMS, emails kakalusin

Transaction messages sa Gcash ililipat sa app inbox, link sa SMS, emails kakalusin

October 1, 2022 @ 4:45 PM 2 months ago


MANILA, Philippines- Inanunsyo ng Globe-backed financial app GCash nitong Sabado na ililipat na nito ang transaction confirmation messages sa in-app inbox at aalisin ang clickable links sa lahat ng emails at text messages sa users.

Inihayag ng GCash na alinsunod ito sa pagsisikap na labanan ang scammers at fraudsters.

Simula Oktubre 5, sinabi ng mobile wallet na ang “SEND MONEY” confirmation SMS sa users ay makikita na sa text message inbox sa kanilang in-app inbox.

Ang kumpirmasyon naman para sa “BUY LOAD” at “BANK TRANSFER” transactions ay ililipat sa in-app inbox simula Oktubre 12.

“These messages will also be available under the ‘Transactions’ button on the app which has your transaction history,” ayon sa GCash.

Samantala, sinabi naman ng mobile wallet na ang pag-alis sa clickable links sa text messages at emails ay alinsunod sa utos ng National Telecommunications Commission (NTC)  na i-block ang links sa text messages na nakikitang paraan para maiwasan ang scammers.

Gayundin, nanawagan ang Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP) sa regulated financial institutions nito na magsagawa ng mga hakbang upang labanan ang cyber fraud at iba pang atake sa financial services, anito.

“These changes are in line with our own #SafeWithGCash campaign that aims to ramp up investments, partnerships, as well as educational and awareness programs on keeping our services safe and secure for our 69 million users,” ani Martha Sazon, president at CEO ng GCash.

“The safety of our users is our utmost priority and we continue to invest and implement world-class security measures to protect customer data,” dagdag ni Sazon.

“Migrating the transaction confirmation messages will help ensure users are getting only legitimate messages regarding their GCash transactions,” sabi naman ni Ingrid Rose Ann Beroña, chief risk officer ng GCash.

Tiniyak ng top Philippine e-wallet ang proteksyon ng personal na impormasyon at accounts ng mga customer nito sa pamamagitan ng pagkakasa ng ilang security measures, kabilang ang cyber threat detection at analytics, vulnerability scanning, maging incident response at forensics. RNT/SA