Transgender Pinay, natagpuang patay sa NYC hotel

Transgender Pinay, natagpuang patay sa NYC hotel

January 26, 2023 @ 3:52 PM 2 months ago


MANILA, Philippines- Nang rumesponde ang New York Police Department sa 911 call nitong Enero 19, natagpuan ang isang 47-anyos na indibidwal na walang malay sa isang hotel bed sa 16 East 39th St. sa New York City.  

Kalaunan ay natukoy ng Philippine Consulate General sa New York ang namatay na indibidwal na si Rodolfo Mañacap Jr. na ilang araw nang nawawala. Sinabi ng kanyang mga kaibigan na kilala rin ang transgender Pinay na si Olivia Snow.

Ayon sa mga awtoridad, walang nakikitang senyales ng trauma sa kanyang katawan. Alalim ng Office of the Chief Medical Examiner ang sanhi ng pagkamatay sa pamamagitan ng autopsy.

Sinabi ni Philippine Consul General Senen Mangalile na nakikipag-ugnayan na ang konsulado sa mga awtoridad.

“We are waiting for the results of the investigation that is being carried out at the moment. We have been in touch with the family and we have assured them that the consulate is here to support and to extend whatever assistance that they need. It is a sad and unfortunate thing that happened but we will get to the bottom of why and how it happened,” pahayag ni Mangalile.

“Tutulong po ang konsulado kung ano man ang kayang itulong sa paguwi ng labi ng ating kababayan na nasawi sa NY at yun po ay bahagi ng commitment ng ating gobyerno,” dagdag ng consul general.

Ayon sa mga kaibigan at social media posts, huling nakita si Mañacap sa New Orleans, para dumalo sa Miss Universe pageant events. RNT/SA