Transport consolidation extension ‘di na palalawigin ng DOTr

Transport consolidation extension ‘di na palalawigin ng DOTr

March 5, 2023 @ 11:09 AM 3 weeks ago


MANILA, Philippines – Walang balak palawigin ng Department of Transportation ang deadline sa Disyembre 31 para sa mga operator ng public utility vehicles (PUVs), kabilang ang mga tradisyunal na jeepney, upang pagsama-samahin ang mga operasyon.

Ipinaliwanag ni DOTr Secretary Jaime Bautista sa isang forum na ang pagpapalawig ay nilalayong bigyan ng panahon ang mga operator na bumuo ng isang kooperatiba alinsunod sa Public Utility Vehicle Modernization Program (PUVMP).

Ang konsolidasyon ay nangangailangan ng hindi bababa sa 15 jeepney driver o indibidwal na may hawak ng prangkisa na magsama-sama sa isang kooperatiba at bumuo ng mas malaking samahan ng mga PUVs.

Sinabi naman ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) na magkakaroon ng pagsusuri sa ilang bahagi ngunit ang “buong programa” ay ipapatupad sa ilalim ng administrasyong Marcos.

Ayon kay Joel Bolano, LTFRB Central Office Technical Division chief, kaya aniya nag-emerge ang PUV modernization program dahil nais aniyang mai-angat hindi lamang para sa mga mananakay kundi pati sa sistema at sitwasyon ng mga operator at mga driver

Sinabi ni Bautista na ang PUVMP ay magbibigay ng komportable, mahusay at maaasahang pampublikong sasakyan.

Dagdag pa ni Bautista na magkakaroon din ng mas maraming trabaho sa sektor ng transportasyon tulad ng mechanics, administrative staff, at dispatcher ang nasabing programa. Jocelyn Tabangcura-Domenden