Transport group dismayado sa mabagal na pagrehistro ng sasakyan

Transport group dismayado sa mabagal na pagrehistro ng sasakyan

September 13, 2022 @ 6:56 PM 2 weeks ago


MANILA, Philippines- Dismayado ang grupo ng transport group hinggil sa mabagal na pagproseso ng rehistro ng sasakyan at pag-renew ng lisensya sa LTO dahil umano sa kapalpakan at kakulangan sa pagsasaayos ng proseso ng dayuhang information technology (IT) ng Land Transportation Office (LTO).

Ito ang sinabi ni Orlando Marquez lider ng Liga ng Transportasyon at Operaytor sa Pilipinas LTOP at sinabing dismayado ang kanilang hanay sa usad-pagong na pagpoproseso ng lisensya at rehistro ng sasakyan sa LTO dahil apektado nito ang transport group.

Sa press conference kanina (Martes) sinabi Marquez na dahil umano sa kapalpakan at kakulangan ng dayuhang information technology (IT) ng Land Transportation Office (LTO) na Dermalog apektado rito ang kabuhayan ng kanilang mga tsuper na namamasada.

“Dahil sa mabagal na proseso ng pagrehistro ng sasakyan at pagrenew ng drivers license apektado nito ang aming kabuhayan” ani Marquez.

Sinabi ng mga lider ng transport group na pinangunahan ng Pangkalahatang Sanggunian Manila at Suburbs Drivers Association (Pasang-Masda), Alliance of Transport Operators and Drivers Asssociation of the Philippines (ALTODAP) Piston, Alliance of Concerned Transport Organization (ACTO) at Federation of Jeepney Operators and Drivers Association of the Philippines (Fejodap).

Ayon pa sa transport group dahil sa pagbabagal ng Land Transportation Management System (LTMS), hindi maiiwasang magpabalik-balik ang mga tsuper para lang makumpleto ang kanilang transaksyon ngunit ang kapalit naman nito ay ang ilang araw na walang kita ang tsuper.

Nauna rito ikinadismaya ng bagong talagang si Land Transportation Office Assistant Secretary Atty. Teofilo Guadiz III ang mabagal na pagproseso ng drivers license sa mga tanggapan ng LTO na pinamamahalaan ng German IT provider na Dermalog.

Sinabi pa ng LTO chief dahil sa mga delay ng pag-iisyu ng renewal ng drivers license ang LTO ang nasisisi ng publiko dagdag pa nito.

Kaugnay nito nanawagan si Obet Martin lider ng Pasang-Masda kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na makialam na sa problema sa LTO hinggil sa mabagal at delay na pag-isyu ng rehistro ng sasakyan at pagrenew na lisensya dahil ang publiko ang siyang lubos na nahihirapan.

“Kung kinakailangan palitan ang IT Provider ng LTO upang malutas ang problema ng mabagal na pagrehistro ng sasakyan at pagrenew ng lisensya bakit hindi gawin kaya’t nananawagan kami sa inyo Pangulong Bong Bong Marcos (President Ferndinand Marcos Jr.) ” ani pa ni Martin.

Sinabi pa ni Martin dahil sa kapalpakan ng IT Provider ng LTO at kakulangan nito pagsasaayos at pagpoproseso ng rehistro ng sasakyan ang publiko ang labis na naaapektuhan dagdag pa nito. Santi Celario