Transport group inimbitahan ng LTFRB para makipagdayalogo

Transport group inimbitahan ng LTFRB para makipagdayalogo

March 3, 2023 @ 9:20 AM 4 weeks ago


MANILA, Philippines- Nagpahiwatig si Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) chairman Teofilo Guadiz III nitong Huwebes ng pagiging bukas ng LTFRB sa dayalogo matapos humiling ng transport group ng pagpapalawig ng deadline sa konsolidasyon ng PUV operators sa mga kooperatiba at korporasyon.

Ito ay kasagsagan ng Senate public service committee hearing sa nakaambang phaseout ng traditional jeepneys.

Sa hearing, hiniling ni Bulacan Transport representative Danilo Ignacio kay Guadiz na palawigin ang deadline ng konsolidasyon ng mga jeepney hanggang April 2024 sa kabila ng desisyon ng LTFRB na ilipat ang target date mula June 30 sa December 31, 2023.

“Secretary Guadiz, nakikiusap po kami, tiklop tuhod po kaming nakikiusap. Para po medyo kunmita naman kami tutal kung ma-phase out ang jeep namin e nakabawi kami nang kaunti,” hirit ni Ignacio.

“My office is always open. Pumunta ho kayo bukas at pagusapan po natin yang hinihingi niyong deadline,” tugon ni Guadiz.

Subalit, iginiit ni Manibela transport group representative Mar Valbuena na taliwas sila sa anumang deadline na itinakda ng pamahlaan dahil ang end goal ng modernization program ay jeepney phaseout.

“Kahit anong deadline po ‘yung ibigay natin, sa dulo phaseout pa rin po. Di po ba? Kahit i-consolidate po namin yan nang mas maaga, sa dulo kailangan mo pa rin magpalit kahit five years pa po siya,” sabi ni Valbuena.

“Bakit di po natin nilabas dito yung mga cooperatives na nalugi? Bakit hindi po natin sila naimbitahan para ipaliwanag naman na yung ruta nila, napilitan sila, kasi hindi viable,” aniya.

“Ipit na kami e. di po ba wala kaming choice kundi sumali or hindi sumali,” patuloy niya.

Sa unang bahagi ng hearing, ipinaliwanag ni Guadiz na itinakda ang deadline para sa konsolidasyon para hikayatin ang mga driver na bumuo ng kooperatiba para sa modernisasyon.

Samantala, ipinaliwanag ng DOTr na layunin ng konsolidasyon na magkaroon ng isang entity na magpapatakbo sa ruta.

Gayunman, iginiit ni Valbuena na mayroon umanong “mafia” sa consolidation stage ng PUV modernization program.

“Isa pong malaking mafia rito. May mga regional offices po siguro hindi naman lahat…dalawa, tatlo na entity yung tatanggapin pero may bidding. Magkano? Five million pesos…Bakit po may bidding? Bakit po may ganon? Kaya po hindi ako aatras hangga’t hindi titigil ang mafia na ito,” aniya.

“Yung consolidation, may kaakibat po kasing korapsyon. Hirap na hirap na po yung aming mga kasamahan sa transport sector,” pahayag niya.

Bago pa man ihayag ni Valbuena ang kanyang mga hinaing, inihayag ni Transportation Secretary Jaime Bautista na inimbitahan niya ang una para talakayin ang mga isyu subalit hindi sumipot ang transportation group representative.

“In spite of that, I am willing to sit down with him and with anybody who would like to clarify, ask questions,” pahayag ni Bautista.

Nanindigan din si Bautista na kailangang magtakda ng deadline sa konsolidasyon ng mga jeep sa isang entity.

Ito ang naging pahayag ng Transportation chief matapos hikayatin ni Senator Grace Poe, na nanguna sa hearing, ang LTFRB na tigilan ang pagtatakda ng deadlines dahil marami pa umanong problema sa implementasyon na dapat tugunan.

“At the end of this hearing, talagang hihingin ko na i-extend niyo nang mas matagal or indefinitely kasi ang dami niyong problema talaga,” pahayag ng senador.

“Ayusin niyo muna yung mga problema ninyo, yung coordination with the LGU lahat yan bago kayo magbigay ng deadline. Para sa akin dapat open-ended. Wag niyo muna bigyan ng deadline…Hindi pa talaga kayo ready by December,” giit ni Poe.

Para naman kay Bautista, mahalaga ang deadline para sa konsolidasyon dahil makatutulong ang hakbang na ito para maging matagumpay ang PUV modernization program.

“Sa tinging ko po kailangan magkaroon ng deadline. Hindi pwedeng maging open-ended po ito kasi kung di tayo magbibigay ng deadline, walang susunod. Hindi po natin mai-implement itong ating PUV modernization program if we don’t impose deadlines,” sabi niya.

“Ang Department of Transportation ay makikipagdayalogo sa lahat, iexplain po namin ang modernization program, i-explain po namin ‘yung 10 components ng modernization program. Kaya lang po hinihiling ko lang na sana ituloy natin ‘yung consolidation. Ito po ay ‘yung isa sa mga pinakaimportanteng component ng ating modernization program…’yan po ang palagay kong magiging trigger para magkaroon tayo ng successful modernization program for the land sector,” ayon pa sa kanya.

Sa ika-anim na pagkakataon, pinalawig ng LTFRB ang deadline na bumuo ang jeepney operators ng mga kooperatiba, rekisitos sa ilalim ng PUV modernization program.

Layunin ng programa ng palitan ang traditional jeepneys ng mga sasakyang pinatatakbo ng mas environment-friendly fuels. RNT/SA