Transport group nagparamdam ng muling taas-pasahe sa jeepney

Transport group nagparamdam ng muling taas-pasahe sa jeepney

October 9, 2022 @ 8:00 AM 2 months ago


MANILA, Philippines – Nagparamdam na naman ng pagnanais na muling magtaas-pasahe ang isang transport group, dahil sa inaasahang malaking taas-presyo sa mga produktong petrolyo.

‘Yung ini-rollback namin noon tatlong sunud-sunod; una P2, P1.50, tapos ‘yung huli, 45 centavos, almost P4′ yan pagkatapos ngayon, mahigit P5 ang price increase?” ani Pasang Masda national president Obet Martin sa panayam ng GMA News nitong Sabado, Oktubre 8.

Matatandaan nagbabala ang ilang industry sources na magkakaroon ng aabot sa P1.10 hanggang P1.40 kada litrong taas presyo sa gasolina samantala P6 hanggang P6.30 kada litrong taas-presyo sa diesel sa susunod na linggo.

Sa kabila ng pagtulak ng grupo ng panibagong taas-pasahe sa jeepney, sinabi naman ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) na hindi na sila mag-aapruba ng anumang taas-pasahe hanggang matapos ang taon.

Ani Martin, kung hindi mapapayagan ay inirerekomenda niyang mamigay na lamang ng karagdagang fuel subsidy para sa kanila.

“Kung mabibigyan kami ng gobyerno pa ng another fuel subsidy, eh palagay ko there is no need for us to file this formal petition for fare increase,” aniya.

Nitong Lunes, Oktubre 3 ay ipinatupad na ang dagdag sa pamasahe sa lahat ng pampublikong sasakyan. RNT/JGC