Transport group: Taas-pasahe nabalewala sa oil price hike!

Transport group: Taas-pasahe nabalewala sa oil price hike!

October 11, 2022 @ 7:11 AM 2 months ago


MANILA, Philippines – Walang saysay ang nangyaring taas-pasahe dahil nabawi lang ito ng bigtime oil price hike na ipinatupad ngayong linggo, ayon sa ilang transport group.

“Nalulungkot ako sa mga pangyayaring ito dahil nakahingi kami ng rollback na almost P4 for three consecutive weeks pero itong pang-apat na linggong ito binigla naman namin ng more than P6. Eh ngayon pa lang kami umaahon,” ani Pasang Masda president Obet Martin sa ulat sa 24 Oras.

Ngayong Oktubre 11, sisirit ang presyo ng diesel ng P6.85 kada litro habang ang presyo ng mga produktong petrolyo ay tataas ng P1.20 kada litro.

Dagdag ni Martin, pinaplano ng ilang transport group na muling makipagdayalogo kay Department of Transportation (DoTr) Secretary Jaime Bautista para umapela ng tulong sa gitna ng patuloy na pagtaas ng presyo ng petrolyo.

Nais nilang imungkahi ang pagpapatuloy ng service contracting ng gobyerno, fuel subsidy o discounts, o ang pag-renew ng panukalang nagpapataw ng automatic fare adjustment formula.

Giit niya na magandang pamasko ang pagpapatuloy ng service contracting sa mga tsuper lalo na sa mga pasahero.

Sinabi naman ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) na wala silang nakikitang karagdagang pagtaas sa minimum na pamasahe sa susunod na anim na buwan.

“Noong nakaraan, pinalawig natin ‘yung mga fuel subsidy. But we know na tapos na ‘yung mga pondo. Na-used up na natin. But we’re proposes sana ma-approve rin doon sa budget for 2023 ‘yung mga assistance para sa public transport, particular sa Pantawid Pasada Program,” ani namanni LTFRB Officer-in-Charge Riza Marie Paches. RNT