Transport groups naghain ng petisyon vs NCAP

Transport groups naghain ng petisyon vs NCAP

August 16, 2022 @ 5:06 PM 1 month ago


MANILA, Philippines- Apat na malalaking transport group ang naghain ng petition for certiorari and prohibition with urgent application for temporary restraining order laban sa no-contact apprehension policy (NCAP) na ipinatupad ng iba’t ibang local government units at Land Transportation Office (LTO).

Ang petition ay isinampa sa Korte Suprema ng Kilusan sa Pagbabago ng Industriya ng Tranportasyon, Inc., Pasang Masda, ALTODAP and ACTO.

Kaugnay nito ang mga pinangalanang respondent sa petisyon ay ang lokal na pamahalaan ng Valenzuela, Manila, Quezon City, Muntinlupa City at LTO.

Ang mga petitioner sa pangunguna ng abogado nitong si Atty. Vigor Mendoza “Mr. Transportasyon” ay binanggit ang mga ordinansang inilabas ng mga LGU na nagpapatupad ng no contact apprehension program na ayon sa kanila ay walang malinaw na batayan.

“Sa ngayon, walang batas na ipinasa ng Kongreso, na nagtatatag o nagpapatupad ng No Contact Apprehension, o nagdaragdag at nagpapalawak ng saklaw ng mga tao, maliban sa nakakasakit na tsuper, na mananagot sa paggawa ng mga paglabag sa trapiko,” binanggit sa petisyon.

“In fact, under Article 7 of the New Civil Code administrative or executive acts, orders, or regulations shall be valid only when they are not contrary to the laws or the Constitution,” dagdag pa ng petitioner.

Samantala iginiit din ng mga petitioner na may kaukulang hurisdiksyon ang Korte Suprema sa isyu.

Ipinaliwanag nila na ang mga tanong na ibinangon sa petisyon ay nagsasangkot ng mahalagang usapin ng batas tungkol sa legalidad ng iba’t ibang ordinansa ng lungsod na pinagtibay ng mga lungsod at munisipalidad sa Metro Manila.

Nabatid pa na nais din ng mga petitioner na maiwasan ang pagdami ng mga demanda at nilalayon nila ang simple, mabilis, sapat at kumpletong remedyo.

Nauna rito, hinimok ang iba’t ibang transport groups sa buong bansa hilingin sa mga LGU na pansamantalang suspindihin ang pagpapatupad ng (NCAP).

Maging ang ilang kongresista ay humiling na din ng pansamantalang suspensiyon ang pagpapatupad ng NCAP. Santi Celario