Transport sector, unti-unting nalulumpo sa epekto ng TRAIN – Bam

Transport sector, unti-unting nalulumpo sa epekto ng TRAIN – Bam

July 13, 2018 @ 3:57 PM 5 years ago


 

Manila, Philippines – Nagpahayag ng pagkadismaya si Senador Bam Aquino sa kulang at atrasadong tulong ng pamahalaan  sa sektor ng transportasyon na unti-unting nilulumpo ang mga drivers at operator sanhi ng pagtaas ng halaga ng petrolyo dulot ng implementasyon ng Tax Reform Acceleration and Inclusion (TRAIN).

Kahapon, sinabi ni Aquino na dapat pag-aralan ang Pantawid Pasada Program kung sapat ito upang tugunan ang pagtaas sa presyo ng petrolyo at iba pang pangangailangan ng jeepney drivers.

“Atrasado na nga ang tulong, kulang pa ang ibibigay ng gobyerno sa mga tsuper ng pampasaherong jeep,” wika ni Sen. Bam, na tinutukoy ang implementasyon ngayong buwan ng Pantawid Pasada Program, isang tulong na ibinibigay sa ilalim ng Tax Reform for Acceleration and Inclusion (TRAIN) Law.

Sa ilalim ng Pantawid Pasada Program, bibigyan ng kabuuang P5,000 ang jeepney drivers para sa huling anim na buwan ng 2018. Ito’y katumbas ng P833 kada buwan o P27.7 bawat araw.

“Kung kukuwentahin, wala pang isang litro ng diesel ang tulong na binibigay sa ating mga jeepney driver. Kulang na kulang ito sa taas ng presyo ng bilihin,” dagdag ni Sen. Bam.

Hinikayat ni Sen. Bam ang pamahalaan na tiyaking sapat ang Pantawid Pasada Program para tugunan ang pagtaaas sa presyo ng langis at payagan ang jeepney drivers na gamitin ito sa iba pang pangangailangan, tulad ng pagkain.

Inulit din ng senador ang panawagan sa Department of Transportation (DOTr) na palawakin ang Pantawid Pasada Program sa iba pang uri ng transportasyon tulad ng tricycles at UV express.

“Kung tutulong na rin lang tayo, bakit hindi pa natin lubus-lubusin at isama ang mga nagmamaneho ng tricycle at UV Express,” wika ni Sen. Bam, isa sa apat na senador na tumutol sa ratipikasyon ng TRAIN Law.

Isinusulong ni Sen. Bam ang suspensiyon at pag-rollback ng excise tax sa produktong petrolyo sa ilalim ng TRAIN Law upang tulungang mapababa ang presyo ng petrolyo at bilihin.

Naghain si Sen. Bam ng panukala na layong itigil at i-rollback ang excise tax sa petrolyo kapag lumampas ang average inflation rate sa taunang inflation target sa loob ng tatlong buwan.

“Suportahan na rin sana ng administrasyong and pag-roll-back sa excise tax sa petrolyo at siguraduhing sususpindihin ang dagdag na buwis sa petrolyo sa 2019 dahil sa TRAIN,” giit ni Sen. Bam.

“Nalulunod na sa taas presyo ang mga drayber. Nababawasan na nga ang kita, tumataas pa ang presyo ng bilihin,” dagdag pa ng senador.

Nakikipag-usap si Sen. Bam sa iba’t ibang grupong pang-transportasyon sa bansa upang kunin ang kanilang posisyon sa TRAIN Law. (Ernie Reyes)