Transport strike, matagumpay! – PISTON

Transport strike, matagumpay! – PISTON

March 8, 2023 @ 1:13 PM 2 weeks ago


MANILA, Philippines – Naniniwala ang grupong Pinagkaisang Samahan ng mga Tsuper at Operators Nationwide (PISTON) na matagumpay ang naging tigil-pasada nila at ng iba pang transport groups kontra sa Public Utility Vehicle (PUV) Modernization Program.

Ayon kay PISTON National President Modesto “Mody” Floranda nitong Miyerkules, Marso 8, ito ay dahil pumayag na ang pamahalaan na bisitahin at suriin ang Omnibus Franchising Guidelines, katuwang ang transport sector.

“‘Yun pong mga tinalakay sa kanilang issue na kinakaharap ay kagyat na tinugunan ng Office of the (Executive) Secretary at ang isa rito ay ‘yung muling pagrerebisa dun sa Omnibus Franchising Guidelines nung 2017,” ani Floranda sa isang press conference.

Ang tinutukoy nito ay ang Department Order 2017-011 o ang Omnibus Guidelines on the Planning and Identification of Public Road Transportation Services and Franchise Issuance, na pangunahing ipinoprotesta ng mga grupo.

“Ang dalawang araw na transport strike ay sinasabi nga nating matagumpay,” ani Floranda, sabay sabing nasa 80% hanggang 100% naparalisa ang ilang mga ruta sa Metro Manila sa unang araw at nasa halos 80% naman na paralisado sa ikalawang araw ng tigil-pasada.

“Ibig sabihin niyan ay malinaw nating narehistro ‘yung ating posisyon kaugnay dito sa kinakaharap ng ating sektor, ng ating public transport na kung saan ay yung mga lumalabas na Executive Order ay ‘yung planong pagtatanggal sa ating kabuhayan at karapatan bilang serbisyo publiko,” dagdag pa niya.

Agad naman na nahinto ang plano sanang isang linggo na transport strike nang makipagkita ang PISTON at Manibela kina President Communications Office (PCO) Secretary Cheloy Garafil at Office of the Executive Secretary Undersecretary Roy Cervantes nitong Martes ng hapon, Marso 7.

Kung babalikan, 2017 pa nagsimula ang PUV modernization program na layong palitan ang mga jeepney ng mga sasakyan na dapat ay may makinang Euro 4-compliant upang mabawasan ang polusyon, ngunit paliwanag ng mga driver at operator, aabutin sila ng mahigit P2 milyon para makabili nito.

Samantala, pinasisiguro naman ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. nitong Miyerkules, Marso 8 na walang driver na mawawalan ng trabaho sa ilalim ng PUV Modernization program ng pamahalaan.

Nagpasalamat naman ang mga transport groups sa sinabing ito ng Pangulo dahilan para tapusin na ang strike. RNT/JGC