Trapik sa Kalakhang Maynila, pinuna ni PDu30

Trapik sa Kalakhang Maynila, pinuna ni PDu30

April 11, 2022 @ 1:54 PM 3 months ago


MANILA, Philippines – Sinita ni Pangulong Rodrigo Duterte ang kakulangan sa hakbang at ibat- ibang solusyon na ipinatupad ng mga otoridad para mabawasan ang bigat ng trapik sa Metro Manila.

Sinabi ng Chief Executive na sa Las Pinas, kulang pa rin ang mga nagawang hakbang sa kabila ng ibat- ibang paraan na ginawa para mapagaan ang trapik sa Kalakhang Maynila.

Nandiyan na aniya ang mga naitayong elevated highways subalit wala aniya siyang makitang epekto upang makaramdam ng pagbabago sa lagay ng trapiko sa Kamaynilaan.

Hindi aniya sapat ang mga ito upang makalikha ng matinding impact para sa pamumuhay ng mga taga – NCR at kahit sa buong bansa.

Una dito, sinabihan na kamakailan ni Pangulong Rodrigo Duterte ang MMDA na kung maaari ay paspasan nito ang ginagawang pag- aaral para mabawasan ang trapik sa National Capital Region.

Kinabibilangan ito ng mismomg proposal ng MMDA na magkaruon ng Elevated Walkway para sa mga tao at Bicycle Lane para makabawas sa magdadala ng sasakyan at ang mungkahing odd- even scheme.

“Alam mo dito sa Maynila, traffic alone, even with the advent of this elevated highways, it’s not enough really to make a great impact on the lives of the people of Manila and of the Philippines kaya kulang pa rin,” ayon sa Pangulo.

Sa kabilang dako, ang hirit naman ni Pangulong Duterte sa MMDA ay bilisan ang ginagawang pag- aaral para mabawasan pa ang trapik sa National Capital Region.

Sabi ng Pangulo kay MMDA Chairman Romando Artes, agad sanang maisagawa ang pag- aaral at mula duon ay marepaso na ng mga eksperto ang mga pinaplanong hakbang.

Tinutumbok aniya niya dito sabi ng Pangulo ang mga competent authorities na konektado at may sapat na kaalaman para makamit ang target na mahanapan na ng solusyon ang trapik sa NCR at Greater Manila Area.

Base sa inilatag na proposal ng MMDA kay Pangulong Duterte, nais nilang magkaruon ng Elevated Walkway para sa mga tao at Bicycle Lane upang mahikayat ang mga ito na maglakad o magbisikleta na lamang papunta sa trabaho at makabawas sa magdadala ng sasakyan. Kris Jose