Trash to cash: Recycling facility binuksan sa Maynila

Trash to cash: Recycling facility binuksan sa Maynila

July 20, 2022 @ 8:35 AM 4 weeks ago


MANILA, Philippines – Pinasinayaan ni Manila Mayor Maria Sheilah “Honey” Lacuna-Pangan ang pagbubukas ng Material Recovery Facility (MRF), isang planta na magagamit upang gawing kapaki-pakinabang ang mga itatapon ng basura.

Pinangunahan ni Mayor Honey Lacuna ang “ribbon cutting ceremony” sa bagong planta na itinayo sa loob ng Manila Zoo sa Adriatico St. Malate kasama si Department of Public Service (DPS) officer-in-charge Kayle Nicole Amurao na magiging daan din upang mai-wasto at kapakipakinabang ang pamamahala sa basura.

Ang naturang pasilidad na inumpisahang itayo sa panahon nina dating Mayor Isko Moreno Domagoso at Vice Mayor Honey Lacuna ay may mga kagamitan tulad ng bioreactor, biocomposer at dalawang unit ng biodegradable waste shredder na ipinagkaloob ng Department of Environment and Natural Resouces- Environmental Management Bureau of the National Capital Region (DENR-EMB-NCR) at ng Department of Science and Technology-Industrial Technology Development Institute (DOST-ITDI).

Sa talumpati ni Lacuna, inihayag nito ang kahalagahan ng naturang pasilidad sa loob ng Manila Zoo. “Ito pong material recovery facility ay isinasagawa natin para po sa patuloy na pagrerecycle natin at magawa po nating mas kapaki-pakinabang muli ang ilang bagay na sa tingin po natin ay wala ng silbi,” pahayag ng alkalde.

Idinugtong pa ng alkalde na kayang mag-proseso ng biodegradable waste, recyclable waste at iba pang nalalabing basura ang itinayong planta na puwedeng pakinabangan, magamit o maibebenta pa.

Ang mga produktong gawa sa proyektong “Tarpaulin mo, Ireresiklo ko” ay magiging kapaki-pakinabang na kagamitan tulad ng eco bags, pamaypay, lagayan ng barya at iba pang gamit pambahay na puwedeng gamitin o ipang-regalo.

Makakalikha rin ang planta ng pataba sa pananim mula naman sa mga dumi ng hayop na nasa Manila Zoo, mga tuyong dahon na nakolekta sa mga lansangan at mga patapon at nabubulok na gulay na makukuha sa Divisoria.

Ayon naman kay DPS-OIC Amurao, na ang mga pataba sa pananim ay kanilang ibabahagi sa iba’t-ibang mga organisasyon habang puwede rin silang magbenta sa mga nagnanais bumili sa halagang P10 kada kilo.

Mula noong Enero 24, 2022, may kabuuang 29,806 kilogram na biodegradable na basura ang na-proseso na ng bioreactor sa naturang planta habang 15,384 kilo naman ang kabuuang na-proseso ng biocomposer mula lamang nitong Abril 11.

Sinabi ni Amurao na sa mga nagnanais na bumili ng malaking bulto ng pataba sa pananim, mangyari lamang na makipag-ugnayan sa DPS Operation Division o tumawag sa numero 5310-1261. JAY Reyes