Traslacion wala pa rin sa 2023

Traslacion wala pa rin sa 2023

November 10, 2022 @ 6:41 PM 2 weeks ago


MANILA, Philippines – Hindi pa rin isasagawa ang tradisyunal na prusisyon sa pagdiriwang ng Pista ng Itim na Poong Nazareno sa darating na Enero 9, 2023.

Ikatlong sunod na taon na ito mula nang tumama ang COVID-19 pandemic kung saan ayon sa pamunuan ng Quiapo Church, ang desisyon ay batay sa napakaraming konsultasyon at pag-aaral.

“Unang-una sa konsiderasyon natin tayo pa rin ay nasa ilalim ng pandemya at at risk pa tin ang ating kapatid na may edad na at may mga immunocompromised,” sinabi ni Rev. Fr. Earl Valdez, attached priest ng Minor Basilica of the Black Nazarene.

Sa kabila ng suspensyon sa naturang prusisyon, magpapatuloy naman umano ang mga aktibidad katulad ng oras-oras na misa sa simbahan at magsasagawa rin ng pagbibigay-pugay sa imahen simula Enero 7.

“Sa Quirino Grandstand po ay naroron ang pagbibigay-pugay, naroroon pa rin ang panggabing programa at higit sa lahat naroroon ang misa ng kapistahan o tinatawag nating Misa Mayor sa ganap na alas-dose ng hatinggabi sa ika-9 ng Enero na pamumunuan ng ating mahal na cardinal, Jose Cardinal Advincula,” ani Valdez.

“Yung pagbibigay-pugay ay maaari nating lapitan at hawakan ang imahen, nakapila ang bawat deboto may entry at exit points po tayo na defined at inoobserbahan po natin ang minimum na physical distacing requirements sa paggalaw ng pila pero bago pumasok sa lugar ng pagpupugay magsasanitize po ang mga kamay ng deboto at regularly isasanitize yung lugar kung nasaan ang imahen,” dagdag niya.

Inaasahan naman na maglalabas ng mas detalyadong schedule ang pamunuan ng Quiapo Church kaugnay ng selebrasyon ng Pista ng Itim na Nazareno. RNT/JGC