Travel agency na nag-aalok ng bogus job sa Poland sinupalpal ng DMW

Travel agency na nag-aalok ng bogus job sa Poland sinupalpal ng DMW

December 9, 2022 @ 8:31 AM 2 months ago


MANILA, Philippines – Sinupalpal at ipinasara ng Department of Migrant Workers ang isang travel consultancy firm sa San Fernando, Pampanga at mga opisina nito sa Santiago City, Isabela at Tabuk City, Kalinga.

Sa press release na inilabas nitong Huwebes, Disyembre 8 ni Migrant Workers Secretary Susan Ople, ang IDPLumen Travel Consultancy Services ay ipinasra nitong Miyerkules dahil sa pag-aalok nito ng mga pekeng trabaho sa Poland.

Ani Ople, ang naturang travel consultancy service ay napag-alaman na naniningil ng P122,000 na processing fee mula sa kanilang mga prospective job applicants sa ilalim ng “fly now, pay later” scheme.

“Please do not transact with travel consultancy firms offering jobs abroad. Illegal recruitment ‘yan. May naghihintay na one-way ticket sa kulungan ang mga nagpapatakbo ng ganyan,” babala niya.

Dagdag ni Ople, bago ikasa ang operasyon ng Anti-Illegal Recruitment Branch (AIRB), isinasagawa na nila ang surveillance sa IDPLumen na nag-aalok ng trabaho bilang truck drivers, welders at factory workers sa Poland sa buwanang sahod na P35,000 hanggang P124,000.

Nilinaw niya na hindi lisensyado ng POEA na mag-operate bilang recruitment agency ang IDPLumen Travel Consultancy Services.

Wala rin umano itong beripikadong job orders mula sa ibang bansa.

Dahil dito ay inihain na ang reklamo laban sa IDPLumen, habang nakikipag-ugnayan din ang DMW sa mga maaaring nabiktima nito. RNT/JGC