TRB humingi ng paumanhin sa isyu sa RFID

TRB humingi ng paumanhin sa isyu sa RFID

November 18, 2022 @ 6:03 PM 1 week ago


MANILA, Philippines – Humingi ng paumanhin ang Toll Regulatory Board nitong Biyernes, Nobyembre 18 sa nangyaring pagkakabuhol-buhol ng trapiko nitong Huwebes sa ilang bahagi ng SLEX, Skyway, NAIAX, at STAR tollways dulot ng pumalyang radio frequency identification (RFID) system.

Ayon sa TRB, ang pagpalya sa RFID ay dulot ng mga naputol na fiber optic cables.

“Ang aming tanggapan ay humihingi muna ng paumanhin sa inyo sa aberyang nangyari kahapon… Makikipag-ugnayan ang toll operators sa amin tungkol diyan sa pangyayaring ‘yan sa hangarin po na wag na maulit ang mga ganyang bagay sa darating na panahon,” ani TRB Spokesperson Julius Corpuz sa public briefing.

Aniya, patuloy umano ang kanilang regular audit sa lahat ng toll systems nito upang masiguro na ang mga ito ay palaging maayos na gumagana.

“May regular checking po kami, audit sa mga toll collection systems nila. Lahat ng expressway na sakop namin, may regular audit po kaming ginagawa to ensure na ang mga makina, ang mga systems are always functional.”

“Dahil sa ‘di maiiwasan, kung anumang kadahilanan– ay dapat may intervention measures silang ipatupad kaagad nang sa ganon hindi naman po ma-inconvenience ang ating mga motorista na gumagamit ng ating mga expressway,”dagdag pa.

Dagdag dito, humingi rin ng paumanhin ang San Miguel Corporation sa nangyaring abala at nangako na hindi na mauulit ang insidenteng ito sa hinaharap. RNT/JGC