TRIAL BY MARITES (4)

TRIAL BY MARITES (4)

July 25, 2022 @ 3:14 PM 3 weeks ago


TUNGKOL doon sa technical vocational schools ng Natio­nal Ins­pectorate for Scholarship Program  ng TESDA, ano ang mga puwedeng gawin?

Unang-una dahil sa tagal ng panahon ng pagsampa ng mga kaso (nangyari diumano noong 2019 pero ngayon pa lang pinasasagot ng NISP or after a span of almost 2 years), puwedeng i-dismiss ang mga kaso dahil ito ay violation ng karapatan ng tech-voc schools na maihahalintulad sa karapatan na magkaroon ng speedy trial under the 1987 Constitution. Under the circumstances, makatarungan po ang mass dismissal ng lahat ng mga kasong isinampa after one year ng pangyayari ng alleged findings.

Noong ako po ay nasa Kong­reso, isa po ako sa mga nag-akda ng Ease of Doing Business Act na kung saan binibigyan ang mga ahensya ng gobyerno ng periods of time within which to resolve certain ma­tters (i.e. within 10 days or 15 days para sumagot sa mga letter o umaksyon sa mga hinaing or concern.) Ang mga periods of time na ito ay naglalayon na mapabilis ang proseso ng mga transaction sa ating pamahalaan para na rin sa pagyabong ng negosyo sa bansa.

Pangalawa, puwede ring ilabas ng NISP ang lahat ng mga testigo nito laban sa lahat ng tech-voc schools na may findings diumano para ma-cross examine ng lahat ng tech-voc schools na inireklamo. As it stands, puro mga hearsay lang ang basehan ng NISP sa findings nito since hindi naman pinapangala­nan ang mga nagreklamong indivi­dwal laban sa mga walang kalaban-labang tech-voc school. Kung hindi to mapalabas ng NISP, nararapat lamang, in the interest of fairness and justice, na i-dismiss lahat ng mga kaso laban sa nasabing TVIs. For this reason, also a mass dismissal of all those cases is also justified.

Pangatlo, dahil sa perwisyong ito sa negosyo at sa mga sleepless night na irinesulta ng mga walang mga acceptable evidence na mga imbestigasyong isinagawa ng NISP, puwede ring kasuhan ang mga miyembro nito sa Ombudsman at sa regular courts. Damages may also be proper against the individual members of the NISP.

Pang-apat, the best talaga ay buwagin na ang NISP dahil ito ay dagdag lamang sa gastusin ng ba­yan. Ito ay isang opisinang pino­pondohan ng gobyerno at nakapanlulumo na ang pinaggagawa ng mga ito ay against the law and the Constitution. Kaya dapat lamang na sa susunod na budget hearing, imungkahi natin sa ating mga kaibigan sa Kongreso na huwag nang pondohan ang mga aktibidad ng NISP at ito ay tuluyan nang buwagin.