Tribo ni Bantag nag-alok ng ritwal sa pamilya ni Lapid

Tribo ni Bantag nag-alok ng ritwal sa pamilya ni Lapid

November 11, 2022 @ 5:11 PM 3 weeks ago


MANILA, Philippines – Inihayag ni Roy Mabasa, kapatid ng napaslang na mamamahayag na si Percy Lapid na nagpaabot ng mensahe sa kanya ang isang tribo sa Mt. Province na kinabibilangan ni suspended Bureau of Corrections chief (BuCor) chief Gerald Bantag.

Ayon kay Mabasa sa panayam ng CNN Philippines, dalawang linggo ang nakalilipas ay kinausap ito ng kanyang kaibigan upang ihatid ang mensahe mula sa miyembro ng Tribo ni Bantag.

Aniya, ipinahayag ng miyembro ng naturang tribo ang pagnanais ni Bantag na makipag-usap ng sinsero sa kanilang pamilya.

Dahil nagluluksa pa sila ng mga panahong iyon ay tinanggihan umano nila ang alok nito.

“Ang sinababi raw ay gusto raw gumawa ng ritwal doon sa puntod ni Ka Percy. Itong ritwal na yata na to ay pagpapakita na siya ay walang kasalanan,” ani Mabasa.

Tugon naman dito ng abugado ni Bantag na si Rocky Balisong, wala itong nababanggit na nais niyang makipag-usap sa pamilya ni Mabasa.

Sa kabila nito ay handa naman umano sila na harapin si Bantag sa isang kondisyon.

“Willing po kaming harapin siya kung gusto n’ya in a simple condition na magsasabi siya ng katotohanan, yun lang naman po ang gusto namin. Kaya ko po siyang harapin anywhere, kahit gusto niya puntahan siya sa bahay niya,” giit ni Mabasa.

Umaasa naman ang kapatid ni Lapid na matutunton na rin ng mga awtoridad si
BuCor Deputy Security Officer Ricardo Zulueta na ikinukunsidera umanong isa sa mga susi sa naturang kaso.

Nitong Nobyembre 7, sinabi ni Philippine National Police chief Gen. Rodolfo Azurin Jr. na si Zulueta, na di-umano ay tumanggap ng kautusan mula kay Bantag kaugnay ng murder case, ay nagtatago. RNT/JGC