Tricycle driver balik-kulungan sa P.5M shabu

Tricycle driver balik-kulungan sa P.5M shabu

January 26, 2023 @ 6:05 PM 2 months ago


MANILA, Philippines- Himas-rehas ulit ang isang tricycle drayber matapos na masamsaman ng mahigit kalahating milyon pisong shabu sa buy-bust operation kagabi sa lungsod ng Quezon.

Kinilala ni Quezon City Police District (QCPD) Director PBGEN Nicolas Torre III ang nadakip na si William Santos, 36-anyos, residente ng Brgy. Batasan Hills, Q.C.

Ayon kay Batasan Police Station 6 commander PLTCOL Morgan Aguilar, dakong alas-9:30 ng gabi (January 25) nang isagawa ng kanyang mga tauhan ang drug operation sa IBP Rd., Brgy. Batasan Hills, Q.C.

Nauna rito, nakatanggap ng tip ang mga awtoridad mula sa isang confidential informant hinggil sa umano’y iligal na aktibidad ng suspek sanhi upang ikasa ang operasyon labang kay Santos.

Isang pulis ang bumili ng shabu at nang magkabutan ay dito na dinakma ang suspek.

Nakumpiska mula sa suspek ang may 75 gramo na shabu na nagkakahalaga ng P510,000, isang cellular phone, at buy-bust money.

Ayon kay PMAJ Kenneth Leaño, deputy commander ng PS-6, lumilitaw sa rekord ng pulisya na si Santos ay dati na ring naaresto dahil sa pagtutulak ng illegal na droga noong 2018 at kalalaya lamang umano nito mula sa piitan noong Nobyembre ng nakaraang taon.

Nakapiit na ang suspek na nahaharap sa kasong paglabag sa RA9165 o ang Comprehensive Dangerous Drug Act of 2002. Jan Sinocruz