Tricycle driver isinelda sa panunutok ng shotgun sa kapitbahay

Tricycle driver isinelda sa panunutok ng shotgun sa kapitbahay

March 13, 2023 @ 4:57 PM 1 week ago


MANILA, Philippines – Nabulabog ang masayang inuman ng magkaka-barkada nang tutukan ng kanilang kapitbahay ang isa sa grupo ng hawak na 12-gauge shotgun sa Malabon City, kamakalawa ng gabi.

Bigo namang maiputok ng suspek na kinilala ni Malabon Police Chief P/Col. Amante Daro na si Rene Quinistal, 39, tricycle driver at residente ng Blk 15, Lot 73 Brgy. Longos nang magpulasan kaagad ng takbo ang magkakabarkada, kabilang ang biktimang si Albert Garcia, 31, na residente rin sa naturang lugar.

Sa imbestigasyon nina P/SSgt. Bengie Nalogoc at P/Cpl. Rocky Pagindas ng Malabon Police Homicide Section, kasama ni Garcia ang kanyang mga kabarkada sa Blk 14, Lot 24 sa nasabi ring barangay na nag-iinuman dakong alas-11:50 ng gabi nang biglang sumulpot ang suspek at kaagad itinutok ang hawak na shotgun sa biktima.

Sa takot, nagkanya-kanyang takbo ang magkakabarkada at agad humingi sila ng tulong sa mga tauhan ng Malabon Police Sub-Station 5 subalit hindi na inabutan sa lugar na kanilang pinag-iinuman ang suspek.

Sa isinagawang follow-up operation ng pulisya sa pangunguna ni P/SSgt. Joselito Inocencio, kasama sina P/Cpl. Jerome Vedera Aquino, Pat Renerio Macabeo at Pat Christian ay nadakip ang suspek dakong alas-2:30 ng madaling araw sa Blk.13 Lot 4, Labahita Alley, Barangay Longos.

Nabawi sa suspek ang isang shotgun na may kargang apat na bala ng 12-gauge shotgun na ginamit niya sa panunutok sa biktima.

Sa panayam kay Cpt. Pagindas, hindi umano batid ng biktima kung bakit siya tinutukan ng kapitbahay habang tumanggi namang magbigay ng pahayag ang nadakip sa suspek.

Kasong paglabag sa R.A. 10591 o ang Comprehensive Law on Firearms and Ammunition Act at Art. 282 ng Bagong Kodigo Penal o Grave Threats ang isinampa ng pulisya sa piskalya ng Malabon City laban sa suspek. Boysan Buenaventura