Tricycle driver nahulog sa ilog, patay sa salpok ng SUV

Tricycle driver nahulog sa ilog, patay sa salpok ng SUV

December 7, 2021 @ 6:45 AM 10 months ago


MANILA, Philippines- Nasawi ang kapwa driver ng tricycle at kanyang pasaherong babae matapos banggain ng isang SUV ang kanilang sasakyan sa ibabaw ng tulay sa Malabon kaninang madaling araw. Ang trike driver, tumilapon pa sa ilog.

Base sa ulat sa GMA News nitong Lunes, kinilala ang mga biktima na sina Norberto Pinuela,  65-anyos, driver ng tricycle, at pasahero niyang si Novelina Esto, 54-anyos.

Nahagip sa CCTV camera na marahan lamang ang takbo ni Pinuela sa ibabaw ng Lambingan bridge sa Barangay Concepcion, nang biglang mapunta sa kanilang linya ang kasalubong na SUV at salpukin ang tricycle.

Sa tindi ng pagkakabangga, nawasak ang harapan ng SUV habang humiwalay naman ang sidecar ng tricycle, at tumilapon sa ilog si Pineula.

Natagpuan ang bangkay ni Pinuela kinaumagahan sa bahagi na ng katabing bayan ng Navotas.

Kinilala naman ang driver ng SUV na si Kim Russel Sioco, na nakakulong na sa himpilan ng pulisya.

Ayon sa imbestigasyon ng mga awtoridad, sinasabing galing sa party si Sioco at pauwi na kasama ang kaniyang asawa nang mangyari ang trahedya.

Inaalam na ng mga awtoridad kung nakainom si Sioco nang mangyari ang insidente, o na-distract siya habang nagmamaneho dahil sa impormasyon na nag-aaway silang mag-asawa habang nasa biyahe.

Bukod sa tricycle, dalawa pang sasakyan ang nabangga ni Sioco.

Desidido ang pamilya ni Pinuela na ituloy ang kaso laban kay Sioco, na tumanggi namang magbigay ng pahayag.

Maaaring maharap si Sioco sa reklamong reckless imprudence resulting to multiple homicide. RNT/SA