Tricycle driver tiklo sa P.6M shabu

Tricycle driver tiklo sa P.6M shabu

June 11, 2022 @ 10:20 AM 2 weeks ago


MANILA, Philippines- Kumagat sa ikinasang buy-bust operation ng Parañaque police Station Drug Enforcement Unit (SDEU) ang isang tricycle driver na nagdulot ng kanyang pagkakaaresto at pagkakumpiska ng P646,000 halaga ng shabu nitong Biyernes (Hunyo 10).

Kinilala ni Parañaque City police chief P/Col. Maximo Sebastian ang inarestong suspect na si Mogeric Bayaoa, 42, residente ng Parañaque City.

Ayon kay Sebastian, matagumpay na naisagawa ng SDEU ang buy-bust operation laban sa suspect dakong alas-4:30 ng umaga sa kahabaan ng Tramo I, Barangay San Dionisio, Parañaque City.

Ang pagkakaaresto ng suspect ay busod ng reklamo ng kanyang mga kapitbahay sa Barangay San Dionisio dahil sa kanyang pagkatalamak na pagtutulak ng droga sa kanilang lugar.

Makaraang magpositibo ang impromasyon na nakuha ng SDEU ay agad itong nagkasa ng buy-bust operation sa pakikipagkoordinasyon sa Sub-Station 4 ng Parañaque City police na nagresulta sa pagkakaaresto ng suspect.

Sa isinagawang operasyon ng SDEU ay nakarekober ang mga ito ng 95 gramo ng hinihinalang shabu na nagkakahalaga ng P646,000, P1,000 buy-bust money at P6,000 boodle money.

Ang narekober na droga ay dinala sa Southern Police District (SPD) Forensic Unit para sumailalim sa chemical analysis.

Nahaharap sa kasong RA 9165 (illegal possession of prohibited drugs) si Bayaoa na kasalukuyang nakapiit sa Parañaque police custodial facility. James I. Catapusan