Tricycle driver, utas sa tandem

Tricycle driver, utas sa tandem

November 28, 2022 @ 2:09 PM 2 months ago


MANILA, Philippines – Tigok ang isang tricycle driver matapos itong pagbabarilin ng isa sa dalawang hindi pa nakikilalang suspek lulan ng isang motorsiklo sa Caloocan City.

Dead on the spot sanhi ng tama ng bala sa ulo at katawan ang biktimang si Jesus Gualvez Jr., 44, residente ng Phase 5, Package 5, Block 33, Brgy. 176, Bagong Silang.

Ayon sa report ni Caloocan Police Chief P/Col. Ruben Lacuesta, papasakay pa lamang ang biktima sa kanyang tricycle dakong alas-7:30 ng gabi sa Phase 5-A, Package 3, Bagong Silang nang lapitan ng isa sa dalawang suspek at binaril ng malapitan sa likurang bahagi ng ulo.

Base sa ulat ng pulisya, mabilis na sumakay ang suspek na nakasuot ng itim na jacket sa kasama nitong naghihintay sa motorsiklong at mabilis na tumakas matapos na barilin ang biktima.


Agad na nagsagawa ng follow-up operation ang mga tauhan ng Caloocan Police Sub-Station 13 sa pangunguna ni P/Maj. Amor Cerillo subalit bigo ang mga ito na mahuli ang mga suspek.

Narekober sa pinangyarihan ng krimen ang apat na basyo ng bala ng .9mm caliber pistol.

Patuloy na pinaghahanap ng mga awtoridad at inaalam ang pagkakakilanlan ng mga suspek at kung ano ang tunay na motibo sa pagpatay sa biktima at kung mayroon kinalaman sa iligal na droga dahil dati nang nasangkot ang biktima sa illegal drugs. R.A Marquez