Trigo para sa Pinas pinigil ng India

Trigo para sa Pinas pinigil ng India

May 15, 2022 @ 4:08 PM 2 months ago


NEW DELHI – Pinatigil ng India ang pagluluwas nito ng trigo sa ibang bansa, kabilang na ang Pilipinas, sa takot na mawalan ito ng sariling suplay at makaapekto sa pagkain ng mga Indian.

Nauna rito, naghahanda na ang India ng 10 milyong tonelada ng nasabing butil para ibenta sa Pilipinas, Thailand, Indonesia, Africa at Europa upang samantalahin ang mahal na presyo na bunga ng giyerang Russia at Ukraine subalit hindi na itinuloy ito.

Tumaas na sa 40 porsyento ang presyo ng trigo sa pandaigdigang merkado simula nang matigil ang suplay ng Russia at Ukraine na bumubuo ng 30 porsyento sa suplay.

Higit na kinonsidera ng pamahalaan ang sarili nitong mga mamamayan na kukulangin ito ng suplay ng trigo na ikamamahal mismo sa India kung itutuloy nito ang pagluluwas.

Bukod sa kakulangan na ng suplay ng trigo sa merkado, tinamaan din ang India ng matinding tagtuyot na sumira sa kanilang pananim na trigo.

Ikalawang pinakamalaking producer ng trigo ang India subalit karaniwang para lamang sa mga Indian. RNT