Trike driver kinatay ng kapitbahay

Trike driver kinatay ng kapitbahay

January 14, 2022 @ 9:13 AM 7 months ago


ARGAO, CEBU- Hindi na nagising pa ang isang tricycle driver na natutulog sa duyan matapos atakehin ng kanyang kapitbahay at pinagsasaksak kahapon ng hapon sa bayang ito.

Kinilala ang biktimang si Herminigildo Sanchez Camello, 56, habang nadakip naman ang suspek na kinilalang si Dennis Pangandoyon Dela Cruz, 44, kapwa residente sa Sitio Looc, Barangay Poblacion, Argao.

Batay sa report ng Argao Police Station, dakong 12:40 PM kahapon naganap ang krimen sa nasabing lugar.

Ayon kay Major Rodgene Fudotan, hepe sa Argao Police Station, himbing na natutulog ang biktima sa duyan ng bigla na lamang itong atakehin ng suspek ng patalim.

Pinagsasaksak ng suspek ang biktima sa tiyan at iba pang parte ng katawan na naging sanhi ng agaran nitong kamatayan.

Matapos ang krimen mabilis na tumakas ang suspek pero kalaunan ay naaresto rin ng mga pulis sa ginawang hot pursuit operation.

Nahaharap ngayon sa kasong pagpatay ang suspek na nakakulong sa lock-up cell ng Argao-PNP.

Nabatid, na matagal na umanong may kinikimkim na galit ang suspek sa biktima/Mary Anne Sapico