Trike driver na ikinaskas ang ari sa guro, kalaboso

Trike driver na ikinaskas ang ari sa guro, kalaboso

July 11, 2022 @ 4:10 PM 1 month ago


CABANATUAN CITY, Nueva Ecija – Kulungan ang kinabagsakan ng isang 33-anyos na tricycle driver makaraang idikit at ‘ikaskas’ umano nito ang kanyang ari sa puwitan ng isang guro na noo’y bumibili ng isda sa Sangitan Public Market sa Barangay Magsaysay Norte, rito, noong Linggo ng umaga.

Ayon kay P/Col. Carl Omar Fiel, hepe ng pulisya rito, dinampot ng security officers ng Sangitan Market at dinala sa kanilang istasyon ang suspek na nakilalang si Nikkie dela Cruz, may-asawa ng Purok 7, Brgy. San Josef Sur, dito.

Itinago naman ang biktima sa pangalang Lorna, 31-anyos, may-asawa ng Brgy. Bangad, dito, at isang teacher sa hindi pinangalang paaralan.

Sa ulat, alas-7:30 ng umaga nangyari ang inisidente sa loob ng wet section ng nasabing pamilihan na ikinabigla umano ng biktima at ng mga kasabayan nitong namimili sa oras na iyon.

Dahil dito, nagsisigaw ang biktima sa ginagawang ‘sexual harrassment’ ng suspek dahilan upang maalarma ang nakapaligid na tao roon na kumuyog umano sa suspek hanggang sa dumating ang security team ng pamilihan at hinatid ito sa himpilan ng pulisya.

Kasong acts of lasciviousness ang isinampang kaso laban sa suspek. Ver Sta. Ana