Tripartite deal sa maritime education, ikasa-DMW

Tripartite deal sa maritime education, ikasa-DMW

October 28, 2022 @ 12:19 PM 1 month ago


MANILA, Philippines – Iminungkahi ng Department of Migrant  Workers (DMW)  na bumuo kumprehensibong tripartite program upang palakasin ang pagiging mapagkumpetensya ng Pilipinas kung saan pinakamahusay na mapagkukunan pagdating sa mga marinong manggagawa.

Ayon kay DMW Assistant Secretary Jerome Pampolina, ito ay bilang suporta sa maritime industry kaya ginawa ang rekomendasyon sa briefing ng House Committee on Overseas Workers Affairs tungkol sa pagsunod ng bansa sa Standards of Training, Certification, and Watchkeeping (STCW) para sa mga marino partikular na ang mga tinukoy ng European Maritime Safety Agency (EMSA)

Nakakita ang EMSA ng 13 pagkukulang at 23 hinaing kabilang ang kawalan ng training equipment at hindi magkakatugma sa pagtuturo at assessment.

Idinagdag pa na ito ang huling taon ng Pilipinas na tugunan ang mga kakulangan sa edukasyon ng mga marino sa bansa ,pagsasanay at certification system ayon sa ulat ni Pampolina.

Sinabi ni Pampolina na ang bansa ay hindi nakapasa sa EMSA audit simula noong 2006 o higit nang dekada  kaya naman panahon na para mapagtibay ang mga hakbang tungo sa ganap na pagsunod.

Nagbabala si Pampolina na kung ang pagkilala sa mga STCW certificates  na inisyu ng Pilipinas ay bawiin, ang bansa ay sasailalim sa bagong yugto ng evaluation at dapat kasiya-siyang makasunod sa mga natuklasan bago ibalik ang pagkilala.

Nangangahulogan aniya  na ang mga Filipino officers at ratings ay hindi  kuwalipikado na madeploy sa European Union (EU)-plying vessels na nangangailangan ng katulad na sertipikasyon.

Ayon kay Pampolina,karamihan sa mga  opisyal na nagtatrabaho sa EU-flagged vessels na may kabuuang 30,615 ay mga Filipinong marino base sa EMSA Outlook 2020  habang ang datos mula Maritime Industry Authority (MARINA) ay pinapakita na kabuuang  50,000 Filipino seafarers.

Binanggit din ni Pampolina ang datos mula sa  Bangko Sentral ng Pilipinas na nagpapakita na ang  overseas Filipino workers (OFWs) cash remittances mula sa lahat ng sea-based OFWs sa loob ng limang taon na may average na kabuuang USD6.375 bilyon.

Ang nasabing remittance ayon pa kay Pampolina ay nanganganib din na bumagsak sakaling mabigo ang bansa na maabot ang minimum na pandaigdigang pamantayan ng maritime education, training at certification.

Nagbabala rin ito sa posibleng pagkawala ng trabaho sa industriya ng seafaring at manning at iba pang kaugnay na industriya.

Bukod sa tripartite program, iminungkahi din ni Pampolina na ang DMW, MARINA, Commission on Higher Education (CHED), Department of Transportation, at Department of Foreign Affairs (DFA) ay magtulungan para tugunan ang anumang isyu at alalahanin sa pagsunod ng Pilipinas sa mga kinakailangan ng STCW.

“It is high time that we take compliance with the STCW Convention seriously, as this will ultimately cost the livelihood of thousands of our Filipino seafarers,” Committee chair Ron Salo.

Samantala, tiniyak ni DFA Undersecretary Eduardo de Vega, na mahigpit silang nakikipag-ugnayan sa   EU member states upang mapadali ang pagtalakay sa pagsunod ng STCW sa EMSA.

Nangako rin ang DFA na patuloy na gagamit ng mga diplomatic tools  upang ipagtanggol ang katayuan ng STCW ng bansa.

“We always present to the EU how important and competent our seafarers are, and that it is a mutually beneficial matter for us to be certified. We also discuss this with the European maritime companies because they want to continue hiring Filipino seafarers,” sabi ni  de Vega.

Sa kabilang banda, diin ng CHED ang solusyon sa pagpapataw ng limang taong moratorium sa pagbubukas ng bagong marine transportation at marine engineering programs at ang institutionalization ng national maritime admission examinations, at ang pag-phase out sa mga non-compliant programs. Jocelyn Tabangcura-Domenden