Triple murder suspect, sumuko kay Tulfo

Triple murder suspect, sumuko kay Tulfo

September 2, 2022 @ 1:42 PM 4 weeks ago


MANILA, Philippines- Boluntaryong sumuko kay Senator Idol Raffy Tulfo ang suspek na pumatay sa tatlong indibidwal sa Taguig City noong nakaraang buwan.

Personal na pumunta ang suspek na si Julian “Jimboy” Paningbatan Jr, na dating opisyal ng Philippine Navy, sa programa ni Idol na “Wanted sa Radyo” kahapon, Setyembre 1.

“Nandito ang ating PNP para sunduin ka at ang kanilang binigay na assurance sa amin ay walang mangyayaring masama sa iyo. Kailangan mo lang harapin ang batas,” ani Tulfo.

Pumutok ang pangalan ni Paningtaban kamakailan dahil sa pagpatay niya sa kanyang dating nobya at ina ng kanyang anak na si Marie Angelica Belina, gayundin sa dalawa nitong kasama na kinilalang sina Tashane Joshua Branzuela at Mark Ian Desquitado.

Inamin ng suspek ang krimen at sinabing pinatay niya si Belina dahil sa galit nito sa dating nobya.

Giniit ni Tulfo na walang kahit anumang rason ang pwedeng ibigay kahit kaninoman ng karapatan para pumatay. “Ano pa man po ang kasalanan niya sa iyo, wala kayong sapat na dahilan na maibibigay to justify the killings.”

Samantala, tiniyak ni Tulfo sa mga pamilya ng mga biktima na patuloy niyang babantayan ang pag-usad ng kaso laban sa dating Navy officer upang matiyak ang hustisya.

“Makakaasa po kayo na tututukan namin ang kasong ito para siguradong gugulong ang hustisya at maging maayos ang takbo ng kaso sa korte. I assure you that justice will be served,” ani Tulfo.

Bibigyan ni Tulfo ng P500,000 bawat pamilya ng mga biktima para makatulong sa gastusin sa pagpapalibing at iba pang mga bayarin.

Kinumpirma ng mga pulis ng Taguig na umaresto kay Paningbatan na ang suspek ay mayroong apat na outstanding warrants of arrest para sa robbery at tatlong bilang ng carnapping. Ernie Reyes