TRO sa pag-canvass ng mga boto ni BBM magdudulot ng constitutional crisis – Sotto

TRO sa pag-canvass ng mga boto ni BBM magdudulot ng constitutional crisis – Sotto

May 19, 2022 @ 2:43 PM 1 month ago


MANILA, Philippines – Nagbabala si Senate President Vicente Sotto III ng posibleng political crisis sakaling pagbigyan ng Supreme Court (SC) ang petisyong temporary restraining order (TRO) laban sa nakatakdang pag-canvass ng Senado at Kamara sa mga botong nakuha ni Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. at pagpo-proklama rito bilang pangulo ng bansa.

“If that happens, we will be courting a constitutional crisis from the fact that Congress can no longer meet after June 3rd,” ani Sotto sa kanyang text message.

“Who will then conduct the canvass as mandated by the [Constitution]? July 25 is a key date for Congress. So, no President or [Vice President] by June 30? What do they propose? Holdover? Tell me if that is not a crisis!” dagdag niya.

Nitong Miyerkules, nang maghain ang martial law survivors, religious at youth rights advocates, at ang Campaign Against the Return of the Marcoses and Martial Law (Carmma) ng petisyon sa Korte Suprema para ipatigil ang canvassing ng mga boto para sa kandidato sa pagka-presidente at bise presidente.

Hinimok din ang SC na baligtarin ang resolusyon ng Commission on Elections (Comelec) at pagbigyan ang petisyon para sa disqualification ni Marcos.

Maliban dito, umapela rin ang mga petitioner sa SC na kanselahin ang certificate of candidacy ni Marcos.

Sa kabilang banda, sinabi ni Senate Minority Leader Franklin Drilon na walang saysay ang mga petisyon dahil hindi naman pwedeng pigilan ng High Court ang Kongreso, na nagsisilbing National Board of Canvassers (NBOC), sa pagganap ng mandato nito sa ilalim ng Konstitusyon.

“The petitions will not prosper. The Supreme Court cannot restrain or stop the Congress, acting as the National Board of Canvassers, from performing its constitutional duty of canvassing the votes for President and Vice President of the Republic, and proclaiming the winner,” paliwanag ni Drilon.

Sa ilalim ng 1987 Constitution, ang mga election return para sa president at bise presidente, na una nang sinertipikahan ng board of canvassers ng bawat lungsod o probinsya ay dapat na ipadala sa Kongreso, direkta sa President of the Senate.

Oras na matanggap ang resibo ng mga certificates of canvass, dapat itong buksan ng President of the Senate nang hindi lalampas ng 30 araw pagkatapos ng election day, sa joint public session ng Senado at Kamara na siyang magsasagawa ng canvassing alinsunod sa batas.

Samantala, sa Mayo 23, magbabalik-sesyon ang Senado at Kamara kung saan magko-convene ang mga ito bilang National Board of Canvassers para masimulan ang opisyal na pagbibilang ng mga boto para presidential at vice presidential candidates. RNT/ JCM