TRO sa power supply deal pinababawi ng Meralco sa CA

TRO sa power supply deal pinababawi ng Meralco sa CA

December 20, 2022 @ 7:05 AM 2 months ago


MANILA, Philippines – Naghain ng petisyon ang Manila Electric Company (Meralco) na humihiling sa Court of Appeals (CA) na alisin ang temporary restraining order (TRO) na pumapabor sa South Premier Power Corporation (SPPC).

“With due respect, the grant of the TRO was not in furtherance of the ‘interest of the general public,’” anang Meralco.

Noong Nobyembre 24, naglabas ng TRO ang 14th Division ng CA na nagsususpinde sa pagpapatupad ng power supply agreement (PSA) sa pagitan ng Meralco at SPPC.

“This court empathized with petitioner’s serious losses which are capable to render it insolvent due to unforeseeable cause,” ayon sa desisyon ng CA.

Inihain ang mosyon matapos tanggihan ng Energy Regulatory Commission (ERC) ang rate hike petition na inihain ng kaparehong electric companies.

Iginiit ng SPPC na ang ERC ay kumilos nang may matinding pang-aabuso sa diskresyon sa pagtanggi sa petisyon nito sa pagtaas ng rate at nang bigyang-kahulugan nito ang mga karapatan ng kumpanya at Meralco sa ilalim ng PSA.

Ngunit ayon sa Meralco, ang pag-alis ng TRO ay magbabalik sa “ scenario that would serve and protect the public from the unnecessary burden of increased electricity costs.”

Dagdag pa ng electric company, ang TRO ay humantong sa pagwawakas ng 670 megawatts na supply na obligadong ibigay ng SPPC sa ilalim ng PSA nito, na may mas mababang rate kumpara sa Wholesale Electricity Spot Market at sa Emergency Power Supply Agreement.

Nauna rito, sinabi rin ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. na ang TRO na inilabas ng CA ay “magdudulot ng karagdagang dislokasyon at posibleng pagtaas ng presyo ng kuryente.” RNT